Aineias
Si Aineias (Griyego: Αινείας, bigkas /e·ní·yas/; Latin: Aeneas, bigkas /ay·ne·yas/) ay isang bayani ng Troia, anak ni Prinsipe Anchises at ng diyosang si Venus. Pinsan din siya ni Haring Priamos ng Troia. Nakatala ang paglalakbay ni Aineias mula Troia, na nauwi sa pagkatatag ng lungsod na magiging Roma balang araw, sa Aeneis ni Vergilius. Itinuturing siyang isang mahalagang tauhan sa alamat at kasaysayang Griyego at Romano. Isa rin siyang tauhan sa Iliada ni Homer at sa Troilus at Cressida ni Shakespeare. Sinasabi ring inapo niya ang emperador na si Augustus.[1]
Mitolohiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Salaysay mula sa Iliada
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa Iliada ni Homer, si Aineias ang gumanap na pinuno ng mga Dardan (mga Dardaniano, mga kakampi ng mga Trohano), ang pangunahing tenyente ni Hector na anak ng hari ng Troiang si Priam. Sa tulang ito, palaging tumutulong kay Aineias, sa kaniyang mga pakikipagdigmaan, ang inang-diyosa niyang si Venus; isa rin siyang paborito ng diyos na si Apollo. Nailigtas nina Venus at Apollo si Aineias mula sa pakikipaglaban nito kay Diomedes ng Argos, isang taong maaari sanang nakapaslang kay Aineias. Dinala siya ng dalawang diyos sa Pergamos para pagalingin. Maging si Poseidon, na karaniwang kumakampi sa mga Griyego, ay tumulong sa pagsalakay ni Achilles, sapagkat alam ni Poseidon na itinalagang maging isang hari ng mga mamamayang Troianong si Aineias bagaman nagmula ito sa isang mababang sangay ng isang maharlikang mag-anak.
Salaysay mula sa Aeneis
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nilalahad sa epikong Aeneis, noong wakas ng Digmaang Troiano, na pinabagsak at pinaguho ng mga sinaunang Griyego ang lungsod ng Troia. Nakaligtas sina Aineias kasama ang kaniyang amang si Anchises, ang anak na si Ascanius, at isang pangkat ng mga tagasunod. Inibig niyang magtatag ng isang panibagong Troia kaya't naghanap siya ng isang pook para rito. Hindi nagtagumpay ang mga naunang tangka niya. Pagkaraan ng ilang mga pakikipagsapalaran, nasira ang kaniyang barko at narating nila ang Hilagang Aprika, kung saan pinayagan silang makahintil sa lungsod ng Cartago (ang Carthage). Umibig kay Aineias ang pinunong reyna ng Cartagong si Dido (o Didon), na ibig makipag-isang dibdib kay Aeneas. Subalit pinili ng mga diyos na tunguhin ni Aineias ang Italya, kung saan ang mga inanak ng kaniyang lahi ang siyang magtatatag ng bayang Romano. Sa pamamagitan ng diyos na si Mercurio (si Mercury) napaalalahanan si Aineias ng kaniyang magiging kapalaran. Iniwan ni Aineias si Dido, kaya't nagpatiwakal ang naiwang reyna dahil sa kasawian.