1Q Reviewer Pagsulat
1Q Reviewer Pagsulat
1Q Reviewer Pagsulat
Ang pagsulat ng Replektibong sanaysay ay makatutulong upang higit pang maunawaan ng isang tao ang
kanyang sariling damdamin. Bago mo pag-aralan ang pagsulat ng replektibong sanaysay, iyo munang pag-aralan
at unawain ang kahulugan ng Replektibong Sanaysay. Ano nga ba ang isang Replektibong Sanaysay?
● Ang Replektibong Sanaysay ay isang uri ng sulating pampanitikan nasa uring tuluyan o prosa. Ito ay
nangangailangan ng sariling opinyon o perspektibo tungkol sa isang paksa. Dahil hindi ito pormal na sulatin,
maaaring maging masining ang tagasulat sa kanyang mga pananaw at damdamin.
● Maaaring makasulat nito hinggil sa isang itinakdang babasahin, lektyur o di kaya mga karanasan ng isang tao.
Ang pagsulat ng isang repleksyong papel ay nakabatay sa reaksyon, damdamin o pagsusuri ng isang tao batay
sa kanyang karanasan.
● Bagamat ito ay maaaring maging isang impormal na sanaysay, nangangailangan parin ito ng Introduksyon,
Katawang malinaw at lohikal, at Kongklusyon.
● Tandaan mo na sa isang replektibong sanaysay, madalas na ginagamit ang mga unang panauhan sapagkat
nabanggit nga kanina na ito ay nakabatay sa sariling kaisipan, damdamin at karanasan ng isang tao.
Nakatutulong ang pagsusulat ng isang Replektibong Sanaysay sa kakayahan ng isang indibidwal na
makapagmuni-muni.
● Buod
- Hindi ito isang simpleng buod lang. Ang Replektibong Sanaysay ay isang malayang daloy ng mga ideya at
iniisip mo. Bagamat ito ay isang impormal na sulatin, hindi pa rin angkop dito ang paggamit ng mga impormal na
wika.
● Organisasyon
- Gaya nga ng nabanggit kanina sa unang bahagi ng pagtalakay ng paksang ito, nangangailangan parin itong
maisaayos nang wasto tulad ng ibang mga pormal na sanaysay. Ang isang replektibong sanaysay ay higit pa ring
mapabubuti kung ito ay mayroong Introduksyon, Katawan at maging Kongklusyon.
LAKBAY SANAYSAY
ANO ANG LAKBAY SANAYSAY?
Ang lakbay sanaysay ay isang uri ng akademikong sulatin na tumatalakay sa mga natuklasan ng isang
manunulat sa kanyang kinalulugaran o paglalakbay.
Ang isang lakbay sanaysay ay maaaring nasa anyong Replektibo o Impormatibo. Replektibo ito kung
inilalahad ng manunulat ang kanyang damdamin o mga karanasan tungkol sa kanyang paglalakbay.
Impormatibo naman ito kung naglalahad siya ng mga impormasyon tungkol sa kanyang paglalakbay
gaya na lamang ng kanyang ginastos sa paglalakbay, pamasahe, magagandang tanawin na maaaring
puntahan ng mga mambabasa at iba pa.
Maaaring nasa anyong Travelogue o di kaya ay Travel Blogging ang isang lakbay sanaysay na kung
saan ay ipinakikita o dinodokumento ang iba’t ibang lugar na binisita o mga karanasan ng isang
manunulat sa kanyang paglalakbay.
Kasabay ng paglaganap ng social media, lumaganap na rin ang travel blogging. Sa pamamagitan ng
travel blog, nabibigyan rin ng ideya sa posibleng iteneraryo o iskedyul ng pamamasyal sa bawat araw
ng byahe at mga posibleng magiging gasto sa bawat aktibidad. Malaki ang maitutulong ng mga travel
blog para sa mga taong nagpaplano pa lamang ng kanilang bakasyon.
Ang layunin ng pagsulat tungkol sa isang paglalakbay ay makapagbigay ng malalim na insight at
kakaibang anggulo tungkol sa isang destinasyon. Sa ganitong uri ng pagsulat, kailangang mahikayat
ang mga mambabasa na danasin at bisitahin din ang lugar na iyong isinulat.
1. Magsaliksik.
Magsaliksik at magbasa nang malalim tungkol sa iyong destinasyon bago dumating sa lugar.
Huwag lamang magpakupot sa mga guidebook, bagkus ay unawain ang kasaysayan, ekonomiya,
kultura, agrikultura, pagkain, relihiyon at mga paniniwala ng isang lugar. Sa pamamagitan nito, mas
mauunawaan mo ang mga kakaibang bahagi ng kultura na praktis at mga konteksto nito habang
naglalakbay.
Magkaiba ang manunulat ng paglalakbay sa isang turista. Nasa bakasyon ang isang turista
habang may mas malalim na tungkulin at layunin sa paglalakbay ang isang manunulat para sa
epektibong pagsulat, makabubuti ang pagkuha ng mga larawan at mga tala sa mga bagay na
naoobserbahan at naririnig mo.
1. Hindi kailangang pumunta sa ibang bansa o malayong lugar upang makahanap ng paksang
isusulat. Kung nasa probinsya ka, maaaring humanap ng isang sakahan o linangan na
nagmamanupaktyur ng gatas o keso. Kung urban, maaari mong maging karanasan ang ingay ng
Maynila sa gabi o kung may mga espesyal na pagdiriwang.
2. Huwag piliting pasyalan ang napakaraming lugar sa iilang araw lamang. Kailangang malalim at
malawak ang pagdanas sa karanasan sa isang lugar upang maging malalim din ang insight na
maaaring ibigay sa sanaysay.
3. Ipakita ang kwentong-buhay ng tao sa iyong sanaysay. Malaki ang adbentahe mo kung
nauunawaan mo at nagagamit ang wika ng lokalidad, ngunit kung hindi, maaari kang makipagkaibigan
sa isang lokal na nakakaunawa ng Filipino o Ingles upang lubos mong maunawaan ang paraan ng
pamumuhay sa isang lugar.
6. Alamin mo ang mga natatanging pagkain na sa lugar lamang na binisita matitikman at pag-
aralang lutuin ito. Maaaring magpaturo sa mga lokal na makikilala sa lugar para sa layuning ito.
LARAWANG SANAYSAY
ANO ANG PICTORIAL ESSAY?
● Ang Pictorial Essay ay isang sining na nagpapahayag ng kahulugan sa pamamagitan ng mga larawan at kapsyon.
● Sa isang Pictorial Essay, ang bawat larawan ay sinasamahan ng mga kapsyon na may iisang tema lamang na
tinutukoy
May tatlong bagay lamang na dapat tandaan bilang kalikasan ng Pictorial Essay. Upang mas mabillis mo itong
maalala, tatawagin natin itong 3 Ps.
1. Pamagat
Mahalaga na ang isang Pictorial Essay ay magkaroon ng pamagat. Babasahin hanggang sa dulo ang isang Pictorial
Essay kung mayroon itong maganda at kaakit-akit na pamagat. Isang paraan ito upang makuha mo ang atensyon ng iyong
mga mambabasa.
2. Pokus sa Tema
Dapat tandaan mo rin na ang mga larawan ay dapat magkakaugnay-ugnay sa bawat isa kung maglalahad ka ng
maraming larawan. Kailangang hindi nalalayo sa tema o paksa ang mga larawang nakapaloob sa isang Pictorial Essay.
3. Personal
Isa rin sa mga dapat mong tandaan at itatak sa iyong isip na ang Pictorial Essay ay isang personal na gawain.
Nangangahulugan lamang ito na ang mga larawang iyong ilalagay ay sarili mong kuha. Hindi lamang ang mga larawan
kundi maging ang kapsyon nito. Nagiging epektibo ang pagpapahatid ng mensahe kung sarili mong gawa ang iyong
Pictorial Essay.
Ngayon, sino nga ba ang mga mga taong nagsasagawa ng isang Pictorial essay? Ang isang pictorial essay ay maaaring
gawin ng kahit na sino, ngunit madalas ito ay ginagawa ng mga:
✔ Manunulat
✔ Mamamahayag
✔ Photo-journalists
✔ Potograpo
✔ Artista
✔ Mag-aaral
Mapapansin mong kasama ka, na isang mag-aaral sa mga gumagawa ng Pictorial Essay. Kung kaya’t asahan mong sa
pagtatapos ng talakayan ay gagawa ka ng iyong sariling Pictorial Essay. Ngunit bago iyan, alamin mo muna ang dalawang
mahahalagang bagay sa paggawa ng isang Pictorial Essay.
Higit na naiintidihan ng iyong mambabasa ang iyong isinagawang Pictorial Essay kung ito ay naisaayos mo
ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga ideya. Nakatutulong ito upang maging maayos ang daloy ng pagpapahayag o
pagpaparating mo ng mga kaisipan.
POSISYONG PAPEL
KAHULUGAN NG POSISYONG PAPEL
Ang posisyong papel ay isang sanaysay na naglalahad ng opinyon na naninindigan hinggil sa isang
mahalagang isyu patungkol sa batas, akademiya, politika, at iba pang mga larangan.
Karaniwang isinusulat ang isang posisyong papel sa paraang mapanghimok sa mambabasa upang maunawaan
at sang-ayunan nito ang paninindigan ng nagsulat hinggil sa isyung pinaksa.
Isa rin itong sulatin na nagpapahayag ng tiyak na paninindigan ng isang indibidwal o grupo tungkol sa isang
makabuluhan at napapanahong isyu.
Kung kaya naman ay napakahalagang iyong tandaan na naglalaman ito ng mga katwiran o ebidensya para
suportahan ang paninindigan ng isang tao.
Dahil maglalahad ka ng iyong tindig sa posisyong papel, mahalagang bahagi rin ang posisyon at mga
katwiran ng kataliwas o katunggaling panig.
Kagaya ito ng isang debate, na naglalayong maipakita ang katotohanan at katibayan ng isang tiyak na isyung
kadalasan ay napapanahon at nagdudulot ng mga kakaibang pananaw sa marami depende sa persepsiyon ng
mga tao.
Ang layunin ng posisyong papel ay mahikayat ang madla na ang pinaniniwalaan ay katanggap-tanggap at
may katotohanan. Mahalagang maipakita at mapagtibay ang argumentong pinaglalaban gamit ang mga
ebidensyang magpapatotoo sa posisyong pinaniniwalaan o pinaninindigan.
Ayon kina Axelrod at Cooper, (2013), ang iba’t ibang anyo ng posisyong papel ay may mga batayang katangiang tulad ng
depinadong isyu, klarong posisyon, mapangumbinsing argumento at angkop na tono.
1.Depinadong Isyu
Ang mga posisyong papel ay hinggil sa mga kontrobersyal na isyu o mga bagay na pinagtatalunan ng tao.
Ang isyu ay maaaring mula sa isang partikular na okasyon o sa isang nagaganap na debate. Ano’t ano man ang
pinagmulan ng isyu, kailangang maipaliwanag nang malinaw ng manunulat ang isyu.
Tandaan mo na bilang manunulat ng isang posisyong papel, responsibilidad mong ipaliwanag nang
mabuti sa iyong mga mambabasa kung ano ba at tungkol saan ang iyong paksa para sa iyong posisyong papel
upang higit na madali nila itong maunawaan.
2. Klarong Posisyon
Maliban sa pagbibigay-kahulugan sa isyu, kailangang mailahad mo rin nang malinaw ang iyong posisyon
bilang manunulat hinggil sa iyong paksa. Minsan, ang posisyon ay kwalipayd upang maakomodeyt ang mga
nagsasalungatang argumento, ngunit hindi maaari ang posisyong malabo o ang indensyon. Madalas, dinedeklara
na agad ng awtor ang kanyang posisyon sa tesis na pahayag sa simula pa lamang ng sanaysay.
Mahalaga kasi na bilang isang manunulat ng posisyong papel, alam mo kung ano ba talaga ang iyong
tindig tungkol sa isyu o paksa ng iyong posisyong papel. Hindi pwede na ikaw mismo bilang manunulat ay
nalilito kung ano ba talaga ang iyong papanigan o paniniwalaan.
3.Mapangumbinsing Argumento
Bilang manunulat ng posisyong papel, layunin mo na hikayatin ang mga mambabasa na magkaroon ng
parehong paniniwala gaya ng iyo. Ngunit, Hindi maaaring ipagpilitan mo lamang ang iyong mga paniniwala.
Upang makumbinsi mo ang mga mambabasa, narito ang ilan sa mga bagay na kailangang taglayin ng iyong
posisyong papel:
a. Matalinong Katwiran - Upang matiyak na masusundan ng mambabasa ang isang argumento, kailangang
malinaw na maipaliwanag ang mga pangunahing puntong sumusuporta sa posisyon. Kailangang iwasan ang
pangmamaliit sa oposisyon at iba pang maling pangangatwiran, sa halip dapat isaisip mo ang layuning
matumbok ang katotohanan.
b. Solidong Ebidensya - Upang makumbinsi mo ang iyong mga mambabasa na suman-ayon sa iyong mga
itinuturan, mahalagang magbanggit ka rin ng iba’t ibang uri ng ebidesyang susuporta sa iyong tindig o
posisyon.
c. Kontra-argumento - Bilang isang manunulat ng posisyong papel, kailangan ding isaalang-alang ng awtor
ang mga nagsasalungatang pananaw na maaaring kanyang iakomodeyt o pabulaanan. Sa pag-aakomodeyt ng
argumento, tinatanggap ng awtor ang baliditi niyon at kinakwalipay niya ang kanyang sariling pananaw
bilang pagsasaalang-alang. Sa pagpapabulaan, sinisikap ng awtor na ipakita kung paano naging mali ang
isang argumento.
4.Angkop na Tono
Sa pagsulat ng isang Posisyong Papel, mahalagang alamin din ng manunulat ang wasto at angkop na
tonong kanyang gagamitin sa kanyang posisyong papel. Ang pag-alam ng angkop na tono ay makatutulong upang
higit na maging mas epektibo ang isang posisyong papel. May ilang manunulat na gumagamit ng impormal at
kolokyal na tono sa pagtatangka nilang makipagdapuan sa kanilang mambabasa. Isang halimbawa, maingat na
ginamit ni Martin King ang palakaibigan at risonableng tono bago ilahad ang kanyang arugmento. May mga
pagkakataon na kailangang gumamit ng seryosong tono upang hindi ipalagay ng mambabasa na hindi sineseryoso
ng manunulat ang isyu.