Pumunta sa nilalaman

Sabong

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Sabong sa Pilipinas, noong mga maagang 1800.
Ang Sabong, 1847, iginuhit ni Jean-Léon Gérôme.

Ang sabong[1][2] ay isang uri ng madugong paglalaban o "madugong palaro" sa pagitan ng dalawang tandang na pansabong, na isinasagawa sa loob ng isang bilog na pook pangtunggalian o sabungan, na tinagurian ding simburyo. Natatangi ang pagpapalaki, pangangalaga, at pagsasanay na ginagawa para sa mga manok na pansabong upang magkaroon ito ng sapat o higit pang resistensiya at lakas sa oras ng sagupaan. Karaniwang ginugupit ang mga palong ng mga lalaking manok na inihahanda sa pagsasabong. Mayroong likas na galit ang mga tandang laban sa kapwa tandang. Katulad ng mga atleta o mga tao na manlalarong pampalakasan, kinukundisyon din ang mga manok na panlaban, bago maganap ang labanan. Mayroong mga samahan ng mga aktibistang may malasakit sa mga hayop ang laban sa pagkakaroon ng mga sabong sapagkat madugo ito at dahil sa pagkakabugbog na tinatanggap ng katawan ng mga ibong nabanggit. Sa Pilipinas, itinuturing itong isang "pambansang palaro" o palabas, mayroong mga ayon sa batas at mayroon ding mga ilegal, at kinasasangkutan ng mga pustahan at pagsusugal. Sapagkat pinuputol o pinupulpol ang mga likas na tahid ng mga tandang na panabong, kinakabitan ng mga metal na tahid na may mga talim ang mga paa ng manok na ilalaban. Ginagamit lamang ang guwantes na panabong para sa pagsasanay ng mga tandang. May dalawang uri ng mga talim na ginagamit sa pagsasabong, yaong may isahang talim at yung may dalawahang talim. Ikinakabit ang mga talim sa kaliwang binti ng manok, subalit sang-ayon din ito sa kasunduan ng mga may-ari ng mga manok. Maaari ring ilagay ang mga talim sa kanang binti o maging sa dalawang binti ng paa ng mga manok. Tinatawag na tupada ang ilegal na sabong. Kapwa may tagapamagitan ang mga ito, ang tinatawag na sentensyador, na may pagpapasyang hindi mababali o hindi mababago ninuman.[3] Tinatawag na magsasabong o sabungero ang taong mahilig sa sabong.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 English, Leo James (1977). "Sabong, mansasabong, sabungero, sabungan, simburyo, atbp.". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Sabong, cockfight". Flavier, Juan M., "Doctor to the Barrios" (New Day Publishers). 1970.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. gmanews.tv/video, Emergency: 'Sentensyador', 07/12/2008