Pumunta sa nilalaman

Pasador

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang pasador (Ingles: ''sanitary napkin''), ay isang bagay na isinusuot ng isang babae kapag siya ay may regla, pagdudugo ng ari pagkatapos manganak, pagpapalaglag, pagpapagaling mula sa isang operasyon sa ari o iba pang mga sitwasyon kung saan nangangailangan ng isang bagay upang sumipsip ng isang daloy ng dugo mula sa ari ng isang babae.

Ito ay iba rin sa mga telang may mas mataas na kapasidad para sumipsip ng likido na ginagamit ng mga lalaki o babaeng nagkakaroon ng problema sa pag-iihi. Ngunit maaari ring gamitin ang pasador ng ilang mga tao para sa layuning ito.

Noon pa man, gumagamit na ang mga kababaihan ng iba't-ibang paraan ng proteksiyong panregla. Nabanggit na ang mga pasador noong ika-10 siglo, sa Suda, kung saan si Hypatia na nakatira sa ika-4 na siglo CE, ay sinasabing itinapon daw ang isa sa kanyang mga ginamit na telang panregla sa isang tagahanga upang dismayahin ito sa kanya.[1][2][3] Ang Museo ng Pagreregla (Museum of Menstruation) ay may mga artikulo at mga larawan ng ilang mga maaagang paraan ng proteksiyong panregla, kabilang na ang mga noo’y hinahabi pang telang panregla at panreglang tapis. Madalas ginagamit ng mga kababaihan ang mga pinagtatagpi-tagping piraso ng nakatuping lumang tela upang saluin o sipsipin ang daloy ng dugo kapag nireregla.

Ang pagdiskubre ng mga pasador ay lumago mula sa inimbentong disenyo ni Benjamin Franklin upang sagipin ang mga sundalong nasugatan sa labanan. Lumabas ang mga pinakaunang pangkalakalan (commercial) na pasador na maaring itapon agad pagkatapos gamitin nang unang beses o mga diposable pads noong 1888 sa pamamagitan ng Southall’s pad. Ang pinakaunang pangkalakalan (commercial) na pasador sa Amerika ay ang Lister’s Towels na nilikha ng Johnson & Johnson noong 1896. Nagsimula ang mga paggamit ng disposable pads sa mga nars na gumagamit ng bendahe o bandage na yari sa sepal ng kahoy upang masalo ang daloy ng dugo sa tuwing nireregla. Dito nagsimula ang paglikha ng isang pasador na gawa sa mga materyales na mura at madaling mahagilap, sanhi upang maging mura lamang ito para itapon pagkatapos ng isang gamitan lamang. Ang unang palatastas ng Kotex para sa mga produktong tulad nito na yari sa sapal ng kahoy (Cellucotton) ay lumitaw sa 1921. Marami sa mga tagagawa ng mga disposable pads na ito ay ang mga tagagawa rin ng bendaheng binanggit.

Bago nagawa ang mga pasador na pang-isahang gamit lang o disposable napkins, ang pinakamalawak na ginagamit kapag nireregla ay mga telang maaaring gamitin ulit pagkatapos labhan upang kolektahin ang daloy ng dugo. Ang kadalasang ginagamit ng mga babae ay mga pasador na yari sa iba't-ibang kagamitan sa bahay tulad ng iba't-ibang tela, tira-tirang tela, damo, o iba pang bagay na maaaring sumisipsip ng regla. Sa kabila nito, marahil marami pa rin ang wala talagang ginamit na pasador o tela habang nireregla. Kahit noong may binebentang pasador o disposable pads, iilang kababaihan lamang ang nakakabili sapagkat marami ang masyadong namamahalan sa presyo ng mga ito. Ilang taon rin ang kinailangan upang maging pangkaraniwang kasuotan o pangangailangan na ang pasador para sa mga kababaihan. Gayunpaman, ang mga ito ngayon ay ginagamit na ng halos karamihan sa mga industriyalisadong bansa.

Ang pinakaunang karaniwang binebentang pasador ay yari sa bulak o mahihiblang bagay na binabalutan ng isang kagamitang may kakayahang sumipsip (absorbent liner). Pinalawak ang harapan at likurang bahagi ng pasador upang bumagay at magkasya sa salumpuki o panti. Ngunit, ang disenyong ito ay kilala sa kadalasang pagdulas ng pasador pasulong o pabaliktad ng inilaan na posisyon sa damit panloob.

Kalaunan, isang malagkit na bagay ang inilagay sa ilalim ng pasador upang ito ay dumikit sa panti at maiwasan na ang pagdulas o pagkatabingi ng posisyon ng pasador. Ang pamamaraang ito ay nagustuhan naman ng mga kababaihan. Subalit noong kalagitnaan ng 1980s, ang may sinturong pasador ay mabilis na nawala sa mga pamilihan. Nabago rin ang disenyo at mga materyales na ginagamit noong 1980s at hanggang sa kasalukuyan. Naging isang malaking problema ang hindi gaano mabisang pagsipsip ng daloy ng dugo ng mga naunang mga materyales na ginagamit. Bukod sa sobrang kapal ng pasador na umaabot hanggang dalawang sentimetro ang kapal, nagkakaroon pa ng pagtagas o leaks sa mga ito. Ilan sa mga pagbabagong ginawa ay ang pagpapalawak ng lining, pagdaragdag ng mga "pakpak" at pagbabawas ng kapal ng pad sa pamamagitan ng paggamit ng mga produkto tulad ng mga spagnum at polyacrylate superabsorbent gels na nagmula sa petrolyo. Ang mga materyales na ginamit ay karamihang nagmula sa industriya ng petrolyo at panggugubat. Ang gitna ng pasador at pinakamabisang sumipsip ng regla na ginawa mula sa sapal o masa ng kahoy na pinaputi gamit ang kloro ay binawasan upang makabuo ng mas balingkinitang hugis ng pasador sa karagdagan ng polyacrylate gels na mabilis sumipsip ng likido at mabisa sa pagkolekta ng regla sa isang suspensiyon sa ilalim ng presyon.

Bumalik sa paligid ng 1970s ang mga telang panregla na lalong sumikat sa bandang huli ng 80s at unang bahagi ng 90s. Ilan sa mga dahilan ng kababaihan upang mas piliin ang mga telang panregla kaysa mga disposable pads ay ang kaginhawaan, pagtitipid sa paglipas ng panahon, epekto sa kapaligiran at kalusugan.

Pangkalahatan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pasador o sanitary napkin ay sinusuot ng isang babae kapag siya ay nireregla upang sipsipin ang kanyang panreglang daloy. Ito ay sinusuot panlabas, sa pagitan ng puki at ang damit na panloob ng isang babae, hindi katulad ng mga tampon at menstruation cups na nilalagay sa loob ng puki. Ito ay maaring yari sa iba’t ibang uri at hanay ng materyales, depende sa estilo, bansa ng mga pinanggalingan, at tatak. Kabilang sa mga tanyag na tatak ng pasador ay Kotex, Always, Lil-lets, Equate at Stayfree. Kung ang isang babae ay walang dalang pasador sa kasalukuyan, maaari niyang gamitin pansamantala ang tisyu o toilet paper bilang pamalit dito. Ang mga pasador ay maaaring makikita sa full body scanners.

Mga uri ng pasador

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pasador na pang-isahang gamit (Disposable menstrual pads)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May iba't-ibang uri ng disposable napkins o pasador na itinatapon pagkatapos gamitin nang unang beses pa lamang. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  • Pantyliner: Dinisenyo upang sumipsip ng pang-araw-araw na nilalabas ng puki, kaunting daloy ng regla, o bakas ng ihi.
  • Ultrathin (napakanipis): Isang napaka-siksik ngunit manipis na pasador na maaaring maging kasingbisa ng isang Regular o Maxi / Super pad ngunit may mas manipis na nilalaman.
  • Regular: isang karaniwang pasador.
  • Maxi/Super: May mas malaking bahagi na pansipsip, kapaki-pakinabang para sa simula ng pagreregla kung kailan madalas pinakamalakas ang daloy ng dugo.
  • Panggabi (nocturnal): Mas mahabang pasador para sa higit pang proteksiyon habang ang tagapagsuot ay nakahiga, angkop para sa magdamag na paggamit.
  • Para sa nag-iina (maternal): Ito ay karaniwan bahagyang mas mahaba kaysa sa isang maxi o super pad at dinisenyo upang sumipsip sa lochia (pagdudugo na nangyayari pagkatapos ng panganganak).

Ang hugis, paraan ng pagsipsip at haba ay maaaring mag-iba depende sa tagagawa, ngunit ang karaniwang saklaw ay mula sa maikli at mahagway na panty liner hanggang sa mas malaki at mahabang overnight napkin. Ang mahahabng pasador ay inaalok para sa dagdag na proteksiyon o para sa mas malaking kababaihan na ang damit na panloob babae ay maaaring hindi ganap na protektado kung regular na mga pads ang ginagamit, at para din para sa magdamag na paggamit. Maaaring gamitin muli ang isang de-telang pasador.

De-telang pasador na maaaring gamitin muli (Cloth menstrual pads)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kabilang banda, ang ilang mga kababaihan naman ay gumagamit ng telang panregla na maaaring gamitin muli pagkatapos malabhan. Ito ay ginawa mula sa iba-ibang uri ng tela - madalas koton pranela, o abaka (na mas mabisang sumisip at hindi kasinglaki ng koton). Karamihan sa mga estilo ay ang paglalagay ng pakpak o wings para sa mas maayos na pagkakalagay sa salawal, ngunit ang ilan naman ay walang pakpak at diretsong nilalagay sa pagitan ng katawan at salawal. Puwedeng hugasan ang telang panregla at hindi kailangang itapon agad pagkatapos gamitin. Samakatuwid, ito ay nag-aalok ng isang mas matipid na alternatibo para sa mga kababaihan.

Ang pasador ay ginagamit upang sumipsip ng daloy ng dugo sa regla ng isang babae. Dahil dito, naiiwasang madumihan ang mga tela at iba pang kagamitan na maaaring magkaroon ng mantas. Ang mga ito rin ay karaniwang binbalot isa-isa sa isang plastik at kaya ay nagiging mas madlaing dalhin ng mga sa kanilang pitaka o bag. Ang balot na ito ay maaaring gamitin upang ibalot ang maruming pasador bago itapon sa naaangkop na basurahan. Ang ilang mga kababaihan ay mas gustong sa tisyu o toilet paper ibalot ang itatapong pasador sa halip ng (o pati na rin) plastik.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. What did American and European women use for menstruation in the past? at the Museum of Menstruation and Women's Health
  2. Knitted Norwegian Pads at the Museum of Menstruation and Women's Health
  3. Deakin, Michael A. B. (1994). "Hypatia and Her Mathematics". The American Mathematical Monthly. Mathematical Association of America. 101 (3): 234–243. doi:10.2307/2975600. JSTOR 2975600. {{cite journal}}: Unknown parameter |month= ignored (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)