Henopobya
Ang genopobya o henopobya (Ingles: genophobia) ay ang pisikal o sikolohikal na takot sa relasyong sekswal o pakikipagtalik. Ito ay mula sa mga salitang Griyego na genos, na may ibig sabihing "anak," at phobos, ibig sabihin ay "takot". ang henopobya ay kilala rin sa tawag na koitopobya (Ingles: coitophobia). Ito naman ay hango sa mga salitang Griyego na phobos at coitus, na ang huli ay tumutukoy sa kopulasyon o ang pagpasok ng ari ng lalaki sa ari ng babae. Ang katagang erotopobya (Ingles: erotophobia) ay maaari ring gamitin kapag naglalarawan ng henopobya. Ito ay mula sa pangalan ni Eros, diyos ng Griyego ng erotikong pag-ibig. Ang henopobya ay maaaring magdulot ng pagkataranta at takot sa mga indibidwal. Ang mga taong nakararanas ng takot ay maaaring maging labis na apektado sa mga tangkang pakikipagtalik o ang ideya nito. Ang matinding takot ay maaaring humantong sa problema sa romantikong pakikipagrelasyon. Ang mga apektado ng henopobya ay maaaring maging malayo ang kalooban sa pakikipagrelasyon upang maiwasan ang posibildad ng pagiging malapit. Ito ay maaaring humantong sa kalungkutan. Ang mga henopobiko na tao ay maaaring makaramdam ng kalungkutan dahil sila ay nahihiya sa kanilang personal na mga takot.
Sanhi
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mayroong iba't ibang mga kadahilanan kung bakit ang mga tao ay nakararamdam ng henopobya. Ilan sa mga pangunahing sanhi ay dating insidente ng seksuwal na pang-aabuso. Ang mga pangyayaring ito ay lumalabag sa pagtitiwala ng biktima at nag-aalis sa kanyang pansariling karapatan. Isa pang posibleng dahilan ng henopobya ay ang pakiramdam ng matinding kahihiyan dahil sa aspetong medikal. Ang iba ay maaaring magkaroon ng takot nang walang anumang matukoy na dahilan.
Ang panggagahasa ay labag sa batas na pakikipagtalik dahil sa sapilitan o puwersahang kilos ng isang tao sa kanyang kapwa. Maaaring kabilang dito ang penetrasyon, maaari ring hindi. Ang mga biktima ng panggagahasa ay maaaring lalaki o babae. Kababaihan at mga batang babae ang karamihan sa mga biktima at lalaki naman ang karamihang maysala. Ito ay ang pinaka matinding posibleng panghihimasok sa pisikal at emosyonal na pribasya ng tao. Ito ay itinuturing na karumal-dumal na krimen dahil ang mga biktima ay inaatake sa napakapersonal na paraan at dahil ito ay ginagamitan ng pisikal na puwersa o panloloko. Ang panggagahasa ay maaring maging masakit sa pisikal ngunit higit pa rito ay ang sakit na dadalhin sa emosyonal na aspeto. Mas inilalarawan itong panghihimasok sa sarili kaysa panghihimasok sa katawan. Madalas magkaroon ng matinding emosyonal na reaksiyon ang mga biktima nito, karaniwan sa isang pagkakasunud-sunod na mahuhulaan (predictable order). Ito ay kilala bilang sindroma ng trauma ng panggagahasa (rape trauma syndrome).
Ang mga biktima ng panggagahasa ay maaaring makaranas ng karagdagang pagkabalisa pagtapos ng pangyayaring ito sa kung paano makitungo sa kanyang sitwasyon ang mga tauhan ng ospital, pulis, kaibigan, pamilya at iba pang malalapit sa kaniya. Sila ay kadalasang nakararamdam ng mababang pagtingin sa sarili at pagiging walang kuwenta . Sila ay naghahanap ng kaligtasan at kontrol sa kanilang buhay. Ang mga biktima ng panggagahasa ay nagkakaroon ng takot sa seks dahil sa mga kadahilanang pisikat at sikolohikal. Habang sila'y naaabuso, sila ay nakararanas ng pisikal na trauma tulad ng pamamaga, pasa, impeksiyon at pagkairita sa mga henitalya, pagkapunit ng mga dingding ng puke at pagdudugo ng puwit. Kalaban din nila ang takot na maulit ang karahasang sinapit. Ang posibilidad na ito ng panggagahasa ay maaring magdulot ng pagkabalisa o kahinaan sa kanyang mga relasyon. Ang ilang mga kalalakihan at kababaihan ay maaaring maging mapagduda at hindi nagtitiwala sa iba. Sila rin ay matatakutin sa seks dahil sa naidulot na pisikal at mental na sakit.
Pagmomolestiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang pagmomolestiya sa bata, ay isang anyo ng sekswal na karahasan na kung saan ang nakatatanda ay ginagamit ang bata para sa kanyang sekswal na kasiyahan. Kasama rito ang pakikipag-usap sa bata upang makipagtalik, pagpapakita ng pornograpiya, pagtawag upang makalikha ng poronograpiya, paglalantad ng mga maseselang bahagi ng katawan sa bata, pagkarinyo ng maselang bahagi ng katawan ng isang bata, o pagpupumilit sa kaniya na maging bahagi ng seks. Hindi madalas gumagamit ng pwersa sa pagmomolestiya. Karaniwan, ang mga bata ay sumasali dahil wala silang muwang kung ano ang nangyayari. Madalas din silang natatakot sa mas nakatatanda.
Ang mga batang biktima ay mararamdaman lang ang kanilang karanasan kapag sila'y lumaki na o kung naintindihan na nila kung ano ang nangyari sa kanila. Madalas nilang nararamdaman na ang kanilang pribasidad ay "natapakan" noong sila ay bata pa para sumang-ayon. Pakiramdam nila sila ay niloko at pinagsamantalahan ng mga pinagkakatiwalaan nila. Ang mga biktima rin ay maaaring makaranas ng matagalang sikolohikal na trauma. Ito ang nagtutulak sa kanila upang hindi magtiwala sa iba. Ang kakulangan ng kumpiyansa sa iba ay maaaring humantong sa takot sa pakikipagtalik.
Insesto
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang insesto ay ang sekswal na interaksiyon sa pagitan ng dalawang tao na may kaugnayan bilang magkamag-anak, ngunit hindi kasal. Ito ay maaaring magsimula kapag ang biktima ay bata pa o pagkatapos ng pagdadalaga o pagbibinata. Ang salarin ay karaniwang tinutukoy na pedopilyo, maaaring lalaki o babae at sila ay maaaring mang-abuso ng mga batang kababaihan at kalalakihan.
Ang mga biktima ng insesto ay maaaring mawalan ng tiwala sa iba. Sila ay maaaring makaramdam na walang sinuman ang maaring pagkatiwalaan dahil mismong kanilang mga miyembro ng pamilya ay sinamantala ang kanilang pagkainosente. Sila rin ay wala o kaunti ang nakukuhang kasiyahan sa pakikipagtalik. Ang mga iba ay nakararanas ng malalang pagkatakot sa seksuwal na paglalapat sa kahit na kanino.
Inseguridad
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang ilang mga tao ay maaaring makaranas ng henopobya dahil sa pang-imaheng isyu ng katawan. Ang ilang mga kalalakihan at kababaihan ay maaaring maging lubos na mapag-alala sa kanilang katawan. Maaaring ito ay tungkol sa kaanyuan ng kanilang katawan o sa isang partikular na bahagi. Ang mga babae ay maaring maging may inseguridad o walang kapanatagan kapag hindi nila gusto ang hitsura ng kanilang labia majora o labia minora. Ang mga lalaki naman ay maaaring maging henopobya kapag nagkaroon ng dispunksiyon sa pagtayo ng titi (erectile dysfunction). Ang ilan na may isyu ng identidad sa kanilang kasarian ay nagkakaroon din ng takot sa seks.
Iba pang mga takot
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang ilang nakararanas ng henopobya ay dahil sa dala-dalang iba pang takot. Ang ilan ay maaaring may nosopobya, ang takot sa pagkahawa sa isang sakit o birus. Sila ay maaaring magkaroon din ng himnopobya, ang takot sa pagiging hubad. Ang iba ay maaaring magkaroon ng matinding takot kapag nahawakan. Ang mga isyung ito kabilang ang dipirensiya ng pagkabalisa ay maaring magpakita ng takot sa pkikipagtalik.
Sintomas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ilan sa mga sintomas ng henopobya ay ang pakiramdam ng sindak, takot, at pangamba. Iba pang mga sintomas ay mabilis na tibok ng puso, kapos sa paghinga, panginginig, pagkabalisa, pagpapawis, at pag-iwas sa ibang tao.
Lunas
[baguhin | baguhin ang wikitext]Walang unibersal na paggamot sa henopobya. Ang ilang mga paraan ng paggamit dito ay pagkonsulta sa sikyatriko, sikologo, at nilisensiyahang tagapagpayo. Ang ilang mga tao nakararamdam ng sakit sa pakikipagtalik ay maaaring bumisita sa kanilang duktor o hinekologo. Ang ilang mga gamot ay maaaring iriseta para sa gamutan ng pobya.
Tawag sa kasalukuyang kultura
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang katagang henopobya ay minsang impormal na ginagamit upang tukuyin ang mga lipunang nagdaan sa represyon o pagsupil na seksuwal sa kulturang popular. Ang ilang mga mas reserbadong lipunan, tulad ng sa Estados Unidos ay tinataguriang henopobiko ng mga mas liberal sa seksuwalidad.
Ang independiyenteng pelikulang Good Dick ay nakasentro sa temang henopobya at paano nito naaapektuhan ang mga batang babae at ang kanilang relasyon sa mga tao. Hindi man tuwiran, ngunit tema rin ng pelikula ang insesto. Ang nasabing pelikula ay isinulat at dinirektahan ni Marianna Palaka at pinalabas noong 2008.
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Sexual intercourse sa Britannica.
- Offir, Carole Wade. "Sexual Abuse and Exploitation." Human Sexuality. New York: Harcourt, 1983. 391-416. Nakalimbag.
- "UCSC Rape Prevention Education: Rape Statistics". www2.ucsc.edu. https://archive.today/20120806005245/www2.ucsc.edu/rape-prevention/statistics.html. Nakuha noong 2008-01-01. Ang pag-aaral ay ginawa sa Detroit, USA.
- Offir, Carole Wade. "Sexual Abuse and Expoitation." Human Sexuality. New York: Harcourt, 1983. 391-416. Nakalimbag.
- Offir, Carole Wade. "Sexual Abuse and Expoitation." Human Sexuality. New York: Harcourt, 1983. 391-416. Nakalimbag.
- Offir, Carole Wade. "Sexual Abuse and Expoitation." Human Sexuality. New York: Harcourt, 1983. 391-416. Nakalimbag.
- "Child Sexual Abuse". Medline Plus. U.S. National Library of Medicine,. 2008-04-02. http://www.nlm.nih.gov/medlineplus/childsexualabuse.html.
- Offir, Carole Wade. "Sexual Abuse and Expoitation." Human Sexuality. New York: Harcourt, 1983. 391-416. Nakalimbag.