Pumunta sa nilalaman

Antidepressant

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang antidepressant ("panlaban sa depresyon") ay isang sikayatrikong medikasyon (gamot) na ginagamit upang paginhawain ang mga diperensiya ng mood (mood disorders) gaya ng diperensiyang bipolar, pangunahing depresyon (major depression), dysthimia at mga diperensiyang pagkabalisa (anxiety disorders) gaya ng diperensiya ng pagkabalisa sa pakikisalamuha (social anxiety disorder). Ayon kina Gelder, Mayou & Geddes (2005), ang mga indbidwal na may sakit na depresyon ay makararanas ng terapeutiko o nagpapagaling na epekto sa kanilang mood (damdamin). Ang mga medikasyong ito ay kasama sa pinakaraniwang nirereseta ng mga sikayatrist at mga medikal na doktor. Ang epektibo at mga adbersong epekto ng mga ito ay nasa ilalim ng maraming mga pag-aaral at ilang magkakatunggaling pag-aangkin. Ang maraming mga droga ay lumilikha ng epektong antidepressant o nag-aalis ng depresyon ngunit ang mga restriksiyon sa paggamit ng mga ito ay nagdulot ng kontrobersiya at ang wala sa tandang paggamit (pagrereseta sa hindi inaprubahang paggamit) ay isang panganib kahit pa sa mga pag-aangkin ng superior (mataas) na pagiging epektibo. Ang karamihan sa mga tipikal na antidepressant ay may huling pagsisimula(delayed onset) ng pagkilos sa mga pasyente na mula 2 hanggang 5 linggo at karaniwang iniinom sa loob ng mga buwan hanggang mga taon.

Ang mga klase ng drogang ito ay kinabibilangan ng:

  • Selektibong tagapigil ng muling pagsisipsip ng serotonin (selective serotonin reuptake inhibitors o SSRI): ito ay klase ng mga antidepressant na tinuturing na pamantayang droga sa paggamot ng mga sakit sa pag-iisip. Ang isang posibleng sanhi ng depresyon ang hindi sapat na halaga ng serotonin na isang neurotransmitter na ginagamit upang magpadala ng mga hudyat(signals) sa pagitan ng mga neuron sa utak ng tao. Ang mga SSRI ay kumikilos sa pamamagitan ng pagpipigil sa muling pagsisipsip(reuptake) ng serotonin ng presinaptikong neuron upang mapanatili ang mataas na lebel ng serotonin sa sinapse. Ang unang drogang SSRI na fluoxetine ay natuklasan ng mga kemikong sina Klaus Schmiegel at Bryan Molloy. Kabilang sa mga drogang SSRI ang Citalopram (Celexa, Cipramil), Escitalopram (Lexapro, Cipralex, Seroplex, Lexamil), Fluoxetine (Prozac, Sarafem, Symbyax), Fluvoxamine (Luvox), Paroxetine (Paxil, Aropax), Sertraline (Zoloft), Vilazodone (Viibryd) at iba pa.
  • Tagapigil ng monoaminong oksidasa (monoamine oxidase inhibitors o MAOI) : Ito ang klase ng mga antidepressant na maaaring gamitin kung ang ibang mga klase ng antidepressant ay hindi epektibo sa isang pasyente. Ang MAOI ay kumikilos sa pamamagitan ng paghaharang ng ensaym na monoaminong oxidase na sumisira sa mga neurotransmitter na dopamino, serotonin at norepineprino. Dahil sa mga potensiyal na nakakamatay na mga interaksiyon sa klaseng ito ang antidepressant at ilang mga pagkain lalo na ang mga naglalaman ng tyramino gayundin ng ilang mga droga, ang mga klasikong MAOI ay hindi bihira na lang ireseta. Gayunpaman, ito ay hindi lumalapat sa tinatagpi sa balat na selegilino na dahil sa paglagpas nito tiyan ay may mas mahinang kagawian na magsanhi ng mga pangyayaring ito. Ang mga MAOI ay maaaring kasing epektibo ng mga TCA bagaman hindi na ito gaanong ginagamit dahil sa mataas na insidensiya ng mga mapanganib na pangalawang epekto at mga interaksiyon. Ito ay kinabibilangan ng mga drogang Isocarboxazid (Marplan), Moclobemide (Aurorix, Manerix), Phenelzine (Nardil), Selegiline (Eldepryl, Emsam), Tranylcypromine (Parnate) at iba pa.
  • Trisiklikong antidepressant (tricyclic antidepressants o TCA) : Ito ang pinakamatandang klase ng mga antidepressant. Ito ay kumikilos sa pamamagitan ng paghaharang ng muling pagsisipsip ng ilang mga neurotransmitter gaya ng norepineprino at serotonin. Hindi na ito gaanong nirereseta ngayon dahil sa pagkakalikha ng mas selektibo at ligtas na mga antidepressant. Ang mga pangalawang epekto (side effects) nito ay kinabibilangan ng pagtaas ng pagtibok ng puso, kaantukan, tuyong bibig, konstipasyon, pagpapanatili ng ihi, malabong paningin, kalituhan, pagkahilo, at hindi pagganang sekswal (sexual dysfunction). Ang pagiging nakalalason nito ay tinatayang nangyayari sa 10 beses na normal na dosis nito. Ang mga ito ay kalimitang nakamamatay dahil ang mga ito ay maaaring magsanhi ng nakamamatay na arrhythmia. Gayunpaman, ang mga trisiklikong antidepressant ay ginagamit pa rin ng ilan dahil sa kanilang pagiging epektibo lalo na sa mga matinding kaso ng malaking depresyon. Ang mga drogang TCA ay kinabibilangan ng Amitriptyline (Elavil, Endep), Clomipramine (Anafranil), Doxepin (Adapin, Sinequan), Imipramine (Tofranil), Trimipramine (Surmontil) at iba pa.
  • Tetrasiklikong antidepressant (tetracyclic antidepressants o TeCA)
  • Nagpipigil ng muling pagsisipsip ng serotonin-norepineprino (serotonin-norepinephrine reuptake inhibitors o SNRI) : Ito ay kumikilos sa parehong norepineprino at serotonin. Ito ay karaniwang may katulad na mga pangalang epekto sa SSRI bagaman maaaring magkaroon ng sindromang pagbawi (withdrawal syndrome) sa biglaang paghinto ng pag-inom ng drogang na mangangailangan ng unti unting pagbabawas ng dosis nito. Ang mga SNRI ay kinabibilangan ng Desvenlafaxine (Pristiq), Duloxetine (Cymbalta), Milnacipran (Ixel), Venlafaxine (Effexor) at iba pa.
  • Nagpipigil ng muling pagsisipsip ng dopamino-norepineprino (Norepinephrine-dopamine reuptake inhibitors): Ito ay nagpipigil ng neuronal na muling pagsisipsip ng dopamino at norepineprino. Ito ay kinabibilangan ng Bupropion (Wellbutrin, Zyban).
  • Mga pandagdag na droga na natuklasang gumagawang mas epektibo sa ilang antidepressant sa ilang mga pasyente kung kasamang iinomin nito. Kabilang dito ang mga tranquilizer at sedatibo na mga pampakalma kabilang ang benzodiazepino. Ang Quetiapine fumarate (Seroquel) ay pangunahing dinesenyo upang gamutin ang eskisoprenya at diperensiyang bipolar ngunit kalimitan ay nagsasanhi ng pagkaantok dahil sa apinidad nito sa mga reseptor ng histamino. Ang mga antisikotiko gaya ng risperidone (Risperdal), olanzapine (Zyprexa), at quetiapine (Seroquel) ay nirereseta bilang pampanatag ng mood at upang gamutin ang diperensiyang pagkabalisa. Gayunpaman, ang mga ito ay maaring magsanhi ng seryosong mga pangalawang epekto partikular sa mataas na dosis. Ang mga sikostimulant gaya ng amphetamine (Adderall), methylphenidate (Ritalin) o modafinil (Provigil, Alertec) ay minsang dinadagdag sa rehimenng antidepressant.
  • Mga herbal katulad ng St. Johns wort

Pinaka-nireresetang mga antidepressant sa iba't ibang bansa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pinaka-nireresetang mga antidepressant sa pamilihang tingian sa Estados Unidos noong 2010 ay:[1]

Sertraline Zoloft SSRI 33,409,838
Citalopram Celexa SSRI 27,993,635
Fluoxetine Prozac SSRI 24,473,994
Escitalopram Lexapro SSRI 23,000,456
Trazodone SARI 18,786,495
Duloxetine Cymbalta SNRI 14,591,949
Paroxetine Paxil SSRI 12,979,366
Amitriptyline TCA 12,611,254
Venlafaxine XR Effexor XR SNRI 7,603,949
Bupropion XL NDRI 7,317,814
Mirtazapine TeCA 6,308,288
Venlafaxine ER SNRI 5,526,132
Bupropion SR NDRI 4,588,996
Desvenlafaxine Pristiq SNRI 3,412,354
Nortriptyline TCA 3,210,476
Bupropion ER NDRI 3,132,327
Venlafaxine SNRI 2,980,525
Bupropion Wellbutrin XL NDRI 753,516

Sa Alemanya, ang pinakakaraniwang nirereseta ay iniulat na (mga konsentradong katas ng) hypericum perforatum (St John's Wort).[2]

Sa Netherlands, ang paroxetine na tinitinda na Seroxat na kasama sa iba pang mga henerikong preparasyon ang pinakakaraniwang nirereseta sa bansang ito kasunod ng trisiklikong antidepressant na amitriptyline, citalopram at venlafaxine.[3]

Mga adbersong epekto

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga antidepressant ay kalimitang nagsasanhi ng mga adbersong epeketo at ang kahirapan sa toleransiya sa droga sa isang pasyente ang karaniwang dahilan sa hindi pagpapatuloy ng epektibong medikasyon. Ang mga pangalawang epekto(side effects) ng SSRI ay kinabibilangan ng: nausea, pagtatae, agitasyon, sakit sa ulo. Ang mga epekto sa aspetong sekswal ay karaniwan rin sa SSRI gaya ng kawalan ng pananabik sekswal, pagkabigong magkamit ng orgasmo at di paggana ng titi(erectile dysfunction). Kabilang din sa pagkabahalang kondisyon na kaugnay sa paggamit ng SSRI ang sindromang serotonin. Ang Administrasyon ng Pagkain at Droga (Food and Drug Administration) sa Estados Unidos ay nag-aatas ng mga babalang Itim na Kahon sa lahat ng SSRI na nagsasaad na ang mga ito ay may dobleng rate ng pagpapatiwal(mula 2 sa 1,000 katao hanggang 4 sa 1,000 katao) sa mga bata at adolesente bagaman kontrobersiyal pa rin kung ito ay sanhi ng medikasyon o bahagi ng mismong depresyon (i.e. ang epektibong epekto ng antidepressant ay maaaring magsanhi sa mga may labis na depresyon na nasa punto ng labis na pagpipigl sikomoto (psychomotor) na mas maging alerto kaya ang mga ito ay may mas mataas na kakayahan na magsagawa ng pagpapatiwakal bagaman ang mga ito ay relatibong napabuti sa katayuan). Ang tumaas na panganib sa pagnanais o pag-aasal na mapagpatiwakal sa mga matanda(adult) sa ilalim ng edad na 25 ay lumalapit sa mga nakikita sa bata at adolesente.

Ang mga pangalawang epekto ng trisiklikong antidepressant (TCA) ay kinabibilangan ng karaniwang mga epekto kabilang ang tuyong bibig, malabong paningin, pagkaantok, pagkahilo, panginginig, mga problemang sekswal, pantal sa balat at pagtaas o pagbawas ng timbang. Ang mga pangalawang epekto naman ng mga nagpipigil ng monoaminong oxidase (MAOI) ay kinabibilangan ng mga bihirang epekto sa ilang drogang MAOI gaya ng phenelzine (Nardil) at tranylcypromine (Parnate) na hepatitis, atake sa puso, stroke, at pangingisay (seizures). Ang sindromang Serotonin ay isang pangalawang epekto ng mga drogang MAOI kung pagsasamahin sa ilang mga medikasyon.

Pangkalahatan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga MAOI ay maaaring lumikha ng potensiyal na nakamamatay na hypertensibong reaksiyon kung iinuming kasama ng mga pagkaing may labis na lebel ng tyramino gaya ng may edad na keso, kuradong karne o katas ng lebadura. Gayundin, ang mga nakamamatay na reaksiyon sa parehong nirereseta at sa walang resetang medikasyong over the counter ay umiiral. Ang mga pasyenteng sumasailalim sa terapiyang MAOI ay malapit na minomonitor ng mga nagreresetang doktor na kinokonsulta muna bago ang pag-inom ng mga nirereseta o over the counter na medikasyon. Kailangan ding ipagbigay alam ng ilang mga pasyenteng na sila ay umiinom ng MAOI. Bagaman ang mga reaksiyong ito ay nakamamatay, ang kabuuang bilang ng mga kamatayan sanhi ng interaksiyong MAIO sa ilang pagkain ay maikukumpara sa kabuuang bilang sa mga medikasyong over the counter.

Ang mga antidepressant ay ginagamit ng may ingat na karaniwan ay kasabay ng mga pampanatag ng mood sa paggamot ng diperensiyang bipolar dahil ang mga ito ay maaaring magpalala ng mga sintomas ng mania. Ang mga ito ay maaari ring pumukaw ng mania o hypomania sa ilang mga pasyenteng may diperensiyang bipolar at sa ilang maliit na persentaheng may depresyon. Ang mga SSRI ang antidepressant na kalimitang inuugnay sa mga pangalawang epektong ito.

Ang ilang mga nakaligtas sa kanser ng suso ay maaaring manganib na balikan ng sakit na ito kung gagamit sila ng ilang mga antidepressant habang umiinom ng pang-iwas sa kanser na drogang tamoxifen ayon sa pagsasaliksik na inilabas noong 2009.

Ang mga antidepressant ay hindi adiktibong sikolohikal sa karamihan ng tao ngunit hindi kailangang tangkain ang biglaang paghinto ng medikasyong ito nang walang kaalaman at patnubay ng isang doktor.

Pagpapatiwakal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga pasyenteng may depresyon ay nasa pinakamataas na panganib sa pagsasagawa ng pagpapatiwakal kaagad pagkatapos ng pagsisimula ng pag-inom ng antidepressant dahil ang mga ito ay maaaring magbawas ng mga sintomas ng depresyon gaya ng pagkawalang sikomotor o kawalan ng motibasyon bago ang mood (damdamin) ay magsimulang bumuti. Ang mga manupakturer at doktor ay kalimitang nagrerekomiyenda na ang ibang mga kasapi ng pamilya ay magmonitor ng pag-aasal ng mga kabataang pasyente para sa mga tanda ng pag-iisip o pagnanais ng pagpapatawal lalo na sa unang mga walong linggo ng paggamot nito. Bago ang mga babalang itim na kahon ay ininsyu ng FDA sa mga drogan ito, ang mga pangalawang epekto at pag-aalerto sa pamilya ng panganib ay karamihang hindi pinansin o winawalang bahala ng mga manupakturer at doktor. Ang mataas na insidensiya ng pag-iisip ng pagpapatiwakal sa mga pasyenteng umiinom nito sa ilang mga pag-aaral ay nagdala ng pansin at babala kung paanong ang mga drogang ito ay ginagamit. Ang indibidwal na nasa ilalim ng edad na 24 taong gulang na dumaranas ng depresyon ay binabalaan na ang paggamit ng antidepressant ay maaaring magdagdag ng panganib sa pag-iisip at pagsasagawa ng pagpapatiwakal. Ang mga opisyal ng kalusugan sa Estados Unidos ay nagmungkahi ng mga pagbabago sa mga tanda(label) sa mga antidepressant upang balaan ang mga tao sa panganib nito. Isinaad din ng FDA na ang SSRI na Paxil ay dapat iwasan sa mga bata at tinedyer at sa mga kaso ng mga kasong pambatang depresyon, ang drogang dapat gamitin ay Prozac.

Ang isang maasahang pamamaraan epidemiolohikal ay sumasangkot sa pagsusuri ng mga ugnayan sa pagitan ng kagawian ng paggamit ng mga antidepressant at pagpapatiwakal sa paglipas ng panahon sa malaking bilang ng malilit na heograpikong rehiyon. Hanggang ang mga resulta ng mas detalyadong pagsusuri ay malaman, ang kahinahunan ay nagdidikta ng pagpipigil ng paghatol tungkol sa mga epekto sa kalusugang pampubliko ng mga babala ng FDA. Ang mga kalaunang kasunod na pag-aaral ay sumusuporta sa hipotesis na ang antidepressant ay maaaring magbawas ng panganib ng pagpapatiwakal. Ayon sa isang pag-aaral, ang kabuuang rate ng pag-aasal na mapagpatiwakal ay 27 kada 1000 tao-mga taon, at karamihan sa mga pangyayaring ito ay nagaganap sa loob ng anim na buwan ng pagsisimula ng medikasyong ito. Ayon sa pag-aaral na ito, walang karaniwang ginagamit na antidepressant ay may kalamangan hinggil sa nauugnay sa pagpapatiwakal na kaligtasan. Nanantili pa ring isang tanong kung ang ibang mga pamamaraang terapeutiko gaya ng patuloy na pagpapayo(counselling) ay nagbibigay ng protektibong kontra epekto sa mga nauugnay sa pagpapatiwakal na pag-aasal at pag-iisip sa mga bata at adolesente.

Ang hindi pagganang sekswal ng isang pasyente ang pinakaraniwang epekto ng SSRI. Kabilang dito ang problema sa pagnanasang sekswal, kawalan ng interes sa pakikipagtalik, at anorgasmia (kahirapan sa pagkakamit ng orgasmo). Bagaman ang mga ito ay karaniwang nababaligtad kapag hininto ang pag-inom ng drogang ito, sa ilang mga bihirang kaso, ang mga epektong ito ay maaaring tumagal ng ilang mga buwan o mga taon pagkatapos ng kompletong paghinto sa drogang ito. Ito ay tinatawag na Post SSRI Sexual Dysfunction.

Ang mga pinupukaw ng SSRI na hindi pagganang sekswal ay umaapekto sa 30% hanggang 50% o higit pa sa mga indbidwal na umiinom ng mga drogang ito para sa depresyon. Ang mga biokemikal na mekanismong minumungkahing sanhi nito ay kinabibilangan ng dumaming serotonin na partikular na umaapekto sa mga reseptor na 5-HT2 at 5-HT3; pagbabawas ng dopamino; pagpipigil ng nitric oxide synthetase; at pagtaas ng mga lebel ng prolactin.

Ang Bupropion ay kalimitang nagsasanhi ng medyo tumaas na pagnanasang sekswal dahil sa tumaas na aktibidad ng dopamino. Ang epektong ito ay makikita rin sa mga nagpipigil ng muling pagsisipsip ng dopamino, mga nakapupukaw na CNS, mga agonista ng dopamino at ito ay sanhi ng tumaas na produksiyon ng testosterone (dahil sa pagipigil ng prolactin) at nitric oxide synthesis. Ang Mirtazapine (Remeron) ay iniulat na may mas kaunting mga epektong sekswal na ang pinakamalamang na dahilan ang paghaharang (antagonize) ng mga reseptor na 5-HT2 at 5-HT3. Ang Mirtazapine ay maaari sa ilang mga kaso ng pagbabaliktad ng hindi pagganang sekswal na pinukaw ng SSRI na maaaring sanhi rin ng paghaharang nito ng mga reseptor na 5-HT2 at 5-HT3.

Ang Apomorphine, nefazodone, at nitroglycerin ay naipakitang bumabaliktad ng ilang mga hindi pagganang sekswal sa pamamagitan ng tumaas na aktibidad ng nitric oxide. Ang mga MAOI ay iniulat na may mas kaunting negatibong mga epekto sa pagnanasang sekswal partikular na ang moclobemide sa 1.9% rate ng pag-iral. Ang Bethanechol ay iniulat na bumabaliktad ng pinukaw ng MAOI na hindi pagganang sekswal sa pamamagitan ng katangiang agonista (pumupukaw) na cholinerhiko.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Top 200 generic drugs by units in 2010" (PDF). "Top 200 brand drugs by units in 2010" (PDF).
  2. Tyler, VE (1999). "Herbs Affecting the Central Nervous System". Sa Janick J (pat.). Perspectives on New Crops and New Uses. ASHS Press. p. 528. ISBN 978-0-9615027-0-6. Nakuha noong 2009-05-29. {{cite book}}: Unknown parameter |chapterurl= ignored (|chapter-url= suggested) (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "GIPdatabank". Gipdatabank.nl. Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-12-06. Nakuha noong 2008-11-06.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)