Kapihan

establisimyentong naghahain ng kape
(Idinirekta mula sa Coffee shop)

Ang kapihan o kapeteriya ay isang establisyimento na naghahain, una sa lahat, ng mga iba't ibang uri ng kape, espresso, latte, at kaputsino. Maaaring maghain ang ilang kapihan ng mga malalamig na inumin, tulad ng kape kon-yelo at tsaa kon-yelo, pati na rin ang mga ibang inumin na walang kapeina. Maaari ring maghain ang kapihan ng mga pagkain, tulad ng mga pangmeryenda, sanwits, prutas, o mga pastelerya. Sa kontinente ng Europa, naghahain din ang mga kapihan ng mga inuming nakakalasing. Saklaw mula sa maliliit na negosyo hanggang mga malalaking korporasyong multinasyonal ang mga kapihan. Ipinapatakbo ang ilang kapihan sa ilalim ng prangkisa, at marami ang mga sangay nito sa mga iba't ibang bansa sa buong mundo.

Ang Café de Flore sa Paris ay isa sa mga pinakalumang kapihan sa lungsod. Tanyag ito dahil sa mga sikat na kliyente nito, kabilang dito ang mga bibigating manunulat at pilosopo.

Mula kultural na pangmalas, may papel ang mga kapihan bilang sentro ng pakikisalamuha: sa kapihan, may lugar ang mga parokyano para magtipun-tipon, makipag-usap, magbasa, magsulat, estimahin ang isa't isa, o magpalipas-oras, nang mag-isa man o sa maliliit na grupo. Maaaring magsilbi ang kapihan bilang impormal na klab para sa mga regular na miyembro nito.[1] Noon pa mang d. 1950, sa panahon ng Beatnik, at sa eksena ng tugtuging pambayan noong d. 1960, nagiging tanghalan ang mga kapihan para sa mga mang-aawit-manunulat, lalo na sa gabi.[2]

Kasaysayan

baguhin

Imperyong Otomano

baguhin
Miniyaturang Otomano ng meddah na nagtatanghal sa kapihan
Mananalaysay (meddah) sa isang kapihan sa Imperyong Otomano. Unang lumitaw ang mga kapihan sa mundong Muslim sa ika-15 siglo.

Lumitaw ang mga unang kapihan sa Damasco. Lumitaw rin itong mga kapihang Otomano sa Meka, sa Tangway ng Arabia noong ika-15 siglo, at kumalat papunta sa kabisera ng Imperyong Otomano, Istanbul noong ika-16 na siglo at sa Baghdad. Naging sikat na mitingan ang mga kapihan kung saan nagtipun-tipon ang mga tao para uminom ng kape, makipag-usap, makipaglaro ng ahedres at bakgamon at iba pang laro sa mesa, makinig sa mga kuwento at musika, at talakayin ang balita at politika. Nakilala ang mga ito bilang "paaralan ng karunungan" dahil sa mga kliyenteng naakit nila, at ang kanilang malaya at prankang diskurso.[3][4]

Ikinaproblema ng mga imam ang mga kapihan sa Meka dahil itinuring itong mga lugar bilang mga tipunang pampolitika at pang-inuman, kaya ito pinagbawalan mula 1512 at 1524.[5] Subalit hindi napanatili ang pagbabawal nito, dahil nakaugalian na ang kape sa arawang ritwal at kultura ng mga Arabe at mga kalapit na tao.[3] Inulat ni İbrahim Peçevi, isang kronistang Otomano sa kanyang mga sulat (1642–49) ang pagbubukas ng unang kapihan (kiva han) sa Istanbul:

Hanggang sa taong 962 [1555], sa Mataas na lungsod ng Constantinopla na Binabantayan ng Diyos, pati na rin sa mga lupaing Otomano sa pangkalahatan, hindi umiral ang kape at mga kapihan. Sa taong iyon, ang isang kapwa na si Hakam mula sa Aleppo at isang palabiro na si Shams mula sa Damasco ay dumating sa lungsod; kanya-kanya silang nagtayo ng malaking tindahan sa distritong tinatawag na Tahtakale, at nagsimulang magsuplay ng kape.[6]

 
Isang kapihan sa Cairo, ika-18 siglo

Inilarawan nang makulay ni Jean Chardin, isang Pranses na manlalakbay at manunulat noong ika-17 siglo, ang eksena sa mga kapihang Persa (qahveh khaneh sa Persa):

Nakikipag-usap ang mga tao, dahil doon ipinahahayag ang balita at doon nagbabatikos ang mga interesado sa politika sa pamahalaan nang malayang-malaya at nang walang katakutan, dahil hindi pinakikinggan ng gobyerno ang sinasabi ng mga tao. Nilalaro ang mga inosenteng laro ... kahawig sa dama, piko, at ahedres. Bukod dito, nagsasalitan ang mga molla, dervish, at makata sa pagkukuwento nang nakataludtod man o tuluyan. Araling moral ang mga pagsasalaysay ng mga molla at dervish, tulad ng ating mga sermon, ngunit hindi itinuturing na iskandaloso kung sila papansinin. Walang napipilitang tapusin ang kanyang laro o ang kanyang usapan dahil dito. Tatayo ang molla sa gitna, o sa isang dulo ng qahveh-khaneh at magsisimulang mangaral sa malakas na boses, o darating bigla ang isang dervish, at pagwiwikaan niya ang mga nakatipon tungkol sa mundo at mga materyal na bagay. Kadalasan, sabay na nagsasalita ang dalawa o tatlong tao, isa sa isang gilid, isa sa tapat, at kung minsan isa ay mangangaral at ang isa naman ay mananalaysay.[7]

Europa

baguhin
 
Isang kapihan sa Londres, ika-17 siglo

Noong ika-17 siglo, lumitaw ang kape sa unang pagkakataon sa Europa sa labas ng Imperyong Otomano, at itinayo ang mga kapihan. Di-nagtagal, sumikat nang sumikat ang mga ito. Sinasabing lumitaw ang unang kapihan noong 1632 sa Livorno na itinatag ng isang Hudyong komersiyante,[8][9] o noong 1640, sa Benesya.[10] Noong ika-19 at ika-20 siglo sa Europa, kadalasan naging mitingan ang mga kapihan para sa mga manunulat at artista.[11]

Austriya

baguhin
 
Isang kapihang Biyenes
 
Trieste kung saan kumalat ang kaputsino

Nagsisimula ang kuwentong tradisyonal ng pinagmulan ng kapihang Biyenes sa mga mahiwagang sako ng berdeng binhi na naiwan noong natalo ang mga Turko sa Labanan sa Biyena noong 1683. Ipinagkaloob ang lahat ng sako ng kape sa nagwaging Hari Jan III Sobieski ng Polonya, na nagbigay naman nito sa isa sa kanyang mga opisyal, Jerzy Franciszek Kulczycki, isang kosakong Ukrano at diplomatikong Polako na lahing Rutena. Ayon sa kuwento, sinimulan ni Kulczycki ang unang kapihan sa Biyena gamit ang naimbak, at naging una rin sa paghahain ng kape kon gatas. May istatuwa ni Kulczycki sa isang kalsada na nakapangalan din sa kanya.

Subalit malawakang tinatanggap ngayon na ang unang kapihang Biyenes ay talagang binuksan ni Johannes Diodato, isang Armenyong komersiyante .[12] Nagbukas si Johannes Diodato (kilala rin bilang Johannes Theodat) ng rehistradong kapihan sa Biyena noong 1685.[13][12] Pagkatapos ng labinlimang taon, apat pang Armenyo ang nagmay-ari ng mga kapihan.[13] Laganap mismo ang kultura ng pag-iinom ng kape sa bansa noong ikalawang bahagi ng ika-18 siglo.

Pagkalipas ng panahon, nalinang ang espesyal na kultura sa kapihan sa Biyena ng Habsburgo. Sa isang panig, nagtipon sa kapihan ang mga manunulat, artista, musikero, intelektuwal, bon vivant at kanilang mga tagapondo, at sa kabilang panig naman, palaging nahahain ang mga bagong baryante ng kape. Sa kapihan, nakipaglaro sila ng baraha o ahedres, nagtrabaho, nagbasa, nag-isip, naglikha, nakipagtalakay, nakipagtalo, nag-obserba at nakipag-usap lamang. Marami ring nakuhang impormasyon sa mga kapihan, dahil may mga lokal at dayuhang diyaryo na maaaring basahin ng mga bisita. Kumalat itong anyo ng kultura ng kapihan sa buong Imperyong Habsburgo noong ika-19 na siglo.[14][15]

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Coffeehouse" [Kapihan] (sa wikang Ingles). MerriamWebster. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Nobyembre 2011. Nakuha noong 7 Abril 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Rubin, Joan Shelley; Boyer, Paul S.; Casper, Professor Scott E. (2013). "Bob Dylan". The Oxford Encyclopedia of American Cultural and Intellectual History (sa wikang Ingles). USA: Oxford University Press. p. 317.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 "Coffee | Origin, Types, Uses, History, & Facts" [Kape | Pinagmulan, Mga Uri, Paggamit, Kasaysayan, & Katotohanan] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 25 Abril 2019. Nakuha noong 20 Setyembre 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "صحيفة التاخي – المســــرح في المقاهي والملاهي البغدادية". 10 Agosto 2018. Inarkibo mula sa orihinal noong 10 Agosto 2018. Nakuha noong 15 Hulyo 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Çomak, Nebahat; Pembecioğlu, Nilüfer (2014). "Changing the values of the past to future". Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Nobyembre 2022. Nakuha noong 6 Agosto 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Sinipi mula kay Bernard Lewis, Istanbul and the Civilization of the Ottoman Empire [Istanbul at ang Sibilisasyon ng Imperyong Otomano] (sa wikang Ingles), University of Oklahoma Press (bagong lathala, 1989), p. 132 Internet Archive Naka-arkibo 2017-03-28 sa Wayback Machine.. ISBN 978-0-8061-1060-8.
  7. "Coffee – The Wine of Islam" [Kape – Ang Alak ng Islam]. Superluminal.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-06-11. Nakuha noong 2011-05-29.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Encyclopedia of Jewish Food, Gil Marks, HMH, 17 November 2010
  9. APM – Archeologia Postmedievale, 19, 2015 – Gran Bretagna e Italia tra Mediterraneo e Atlantico: Livorno – 'un porto inglese' / Italy and Britain between Mediterranean and Atlantic worlds: Leghorn – 'an English port' Hugo Blake All'Insegna del Giglio, 8 September 2017, p. 18
  10. Horowitz, Elliot. "Coffee, Coffeehouses, and the Nocturnal Rituals of Early Modern Jewry" [Kape, Kapihan, at ang mga Gabihing Ritwal ng Maagang Modernong Hudyo] (sa wikang Ingles). AJS Review Bol. 14, Blg. 1 (Spring, 1989), mga pa. 17–46, citing Antonio Pilot, La Bottega da Caffe (Venice, 1916)
  11. Winick, Stephen (2014-04-17). "Coffeehouses: Folk Music, Culture, and Counterculture | Folklife Today" [Mga Kapihan: Pambayang Tugtugin, Kultura, at Kontrakultura]. The Library of Congress (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-04-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. 12.0 12.1 Weinberg, Bennett Alan; Bealer, Bonnie K. (2002). The World of Caffeine: The Science and Culture of the World's Most Popular Drug [Ang Mundo ng Kapeina: Ang Agham at Kultura ng Pinakasikat na Droga sa Mundo] (sa wikang Ingles). Routledge. p. page 77. ISBN 0-415-92722-6.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. 13.0 13.1 Teply, Karl: Die Einführung des Kaffees in Wien. Verein für Geschichte der Stadt Wien, Wien 1980, Bol. 6. pa. 104. sinipi sa: Seibel, Anna Maria: Die Bedeutung der Griechen für das wirtschaftliche und kulturelle Leben in Wien. pa. 94 mayroon sa onlayn sa: Othes.univie.ac.at Naka-arkibo 25-07-2009 sa Wayback Machine., pdf Naka-arkibo 31-05-2011 sa Wayback Machine.
  14. Friedrich Torberg "Kaffeehaus war überall" (1982) pa 8.
  15. Wolfram Siebeck "Die Kaffeehäuser von Wien. Eine Melange aus Mythos und Schmäh" (1996) pa 7.