Lupalop

pinakamalaking uri ng anyong lupa

Ang kontinénte (mula salitang Espanyol continente, na mula naman sa salitang Latin continere, "nagbubuklod"), lupálop, dakpúlu (mula Hilagaynon)[1], o labwád (mula Kapampangan)[1], ay isang lupain na malaki at malawak.[1] Pito ang karaniwang tinatanggap na bilang ng mga kontinente, madalas dahil sa kumbensiyon imbes na ayon sa isang pamantayan. Nakaayos paalpabeto, ang pitong rehiyong itong ay ang: Asya, Aprika, Antartika, Awstralya (madalas ring tinatawag na Awstralyasya o Osiyanya), Europa, Hilagang Amerika, at Timog Amerika.[2] Minsan, pinagsasama ang ilang kontinente, tulad ng Eurasya (Eurasia), Apro-Eurasya (Afro-Eurasia), at Kaamerikahan (Americas).

Isang gumagalaw (animated) na mapang nagpapakita sa kontinente (naka-Ingles), nakahiwalay base sa kulay. Depende sa napagkasunduan at modelo, maaaring maipaghiwalay o maipagsama ang mga ito: halimbawa, madalas inihihiwalay ang Eurasya sa kontinente ng Europa at Asya (pula), samantalang madalas pinagsasama ang Hilaga at Timog Amerika bilang Kaamerikahan (lunti).

Sa larangan ng heolohiya, ang kontinente ay ang sakop na kabalatang kontinental (continental crust) ng mga plato (plates). Madalas isinasama rin sa mga ito ang mga nabasag na bahagi (continental fragment) o mikrokontinenteng tulad ng Madagascar na hindi karaniwang itinuturing kontinente. May ilan ding mga kontinente na nakalubog, tulad ng kontinente ng Selandiya (Ingles: Zealandia). Ang Daigdig lamang ang planetang natukoy na may kabalatang kontinental.[3]

Madalas pinapangkat ang mga isla sa karagatan sa karatig-kontinente nito upang mahati ang buong mundo sa pitong rehiyon. Sa ilalim ng sistemang ito, ginugrupo kasama ng Awstralya ang karamihan sa mga kapuluan at isla sa Karagatang Pasipiko sa isang rehiyong tinatawag na Oseaniya (Oceania).

Kahulugan at paggamit

Ayon sa madalas napagkakasunduan, "nauunawaan na ang kontinente ay isang malaki, tuloy-tuloy, at magkakahiwalay na masa ng kalupaan, madalas hinihiwalay ng mga malalawak na katubigan."[4] Di bababa sa isang pares ng mga kontinente ang konektado sa isa't isa sa lupa sa modernong sistema ng lima o higit pang kontinente. Nauwi sa isang di makatwirang pag-uuri ang pamantayan sa ano ba ang "malaki" sa hindi. Halimbawa, itinuturing na ang isla ng Greenland, na may lawak na 2,166,086 kilometro kwadrado (o 836,330 milya kwadrado) ay ang pinakamalaking isla sa mundo, samantalang pinakamaliit naman na kontinente ang Awstralya, na may lawak na 7,617,930 kilometro kwadrado (o 2,941,300 milya kwadrado).

May mga baybayin ang lahat ng mga pangunahing masa ng kalupaan ng Daigdig sa iisa't magkakakonektang Karagatan ng Mundo, na nahahati naman sa mga pangunahing bahagi ng katubigan depende sa kontinente at samu't saring mga pamantayang heograpikal.[5]

Sakop

 
Mapa ng mga kapuluang bansa (island countries) at ang kanilang mga kodigong ISO. Madalas sinasama ang mga ito sa pinakamalapit na kalupaang kontinental.

Ang pinakamahigpit na kahulugan ng kontinente ay ang isang magkakarugtong[6] na kalupaan o pangunahing kalupaan (mainland), kung saan binubuo ng mga baybayin at hangganang panlupa (land boundaries) ang mga gilid nito. Sa pananaw na ito, tinutukoy ng kontinental na Europa ang pangunahing kalupaan ng Europa - di kasama rito ang mga isla ng Gran Britanya, Irlanda, Malta, at Islandiya. Sa ganon ring pananaw, tinutukoy rin ng kontinente ng Awstralya ang pangunahing kalupaan ng Awstralya - di kasama naman rito ang isla ng Tasmanya at Bagong Ginea. Tinutukoy naman ng kontinental na Estados Unidos ang magkakasamang 48 estado nito maliban sa Hawaii sa Karagatang Pasipiko at Alaska sa hilagang-kanluran ng Hilagang Amerika, na minsan ding sinasama sa naturang pangkat.

Sa usapan naman ng heolohiya o heograpiyang pisikal, maaaring lumagpas sa isang tuyong lupa (dry land) ang isang kontinente at isama ang mababaw at nakalubog na lapag (kalapagang kontinental, o continental shelf)[7] gayundin sa mga islang nakalitaw sa kalapagang iyon (mga islang kontinental, o continental islands), sa kadahilanang kasama rin sila sa naturang kontinente.[8] Sa pananaw na ito, ang pinakagilid ng mga kalapagan ay ang tunay na pinakagilid ng isang kontinente, dahil madalas pabago-bago ang baybayin depende sa taas ng tubig.[9] Kung susundin ito, mapapabilang ang mga isla ng Gran Britanya at Irlanda sa Europa, samantalang magkasama ang Awstralya at Bagong Ginea sa iisang kontinente.

Bilang pambuo ng kultura, lumalagpas sa kalapagang kontinental ang saklaw ng isang kontinente at sinasama ang mga mga nabasag na bahagi nito (mikrokontinente) at isla sa karagatan. Kung susundin naman ito, mapapabilang din ang islang bansa ng Islandiya sa Europa at ang Madagascar naman sa Aprika. Kung ipipilit ang pinakatugatog ng konseptong ito, mapapabilang ang mga isla at kapuluang bansa sa platong kontinental ng Awstralya sa isang malakontinenteng (quasi-continent) tinatawag na Osiyanya (Oceania). Sa gayon, nahahati ang kalupaan ng Daigdig sa mga kontinente o malakontinente.[10]

Hangganan

Di ganong kahigpit ang pamantayan para sa kung ano ang "magkakahiwalay at magkakaibang kalupaan" na maituturing na kontinente sa hindi, dahil na rin sa kasaysayan. Sa pitong kinikilalang kontinente ng karamihan, tanging ang mga kontinente lang ng Antartika at Awstralya ang mga napapaligiran ng katubigan at nakahiwalay nang buo sa iba pang mga kontinente. Karamihan sa mga ito ay di eksaktong magkakahiwalay at magkakaiba kundi pwede na ("more or less distinct continents").[11] Magkakonekta ang Asya at Aprika sa Agusan ng Suez, samantalang konektado naman ang dalawang Amerika ng Dalahikan ng Panama. Sa dalawang nabanggit na halimbawa, hindi sila eksaktong pinaghihiwalay ng kung anuman (parehong gawang-tao, mababaw, at makitid ang mga Agusan ng Suez at Panama, kaya hindi ito itinuturing na nagpapahiwalay). Masyadong maliit ang mga dalahikang ito kumpara sa mga gahiganteng lupain na pinagdudugtong nila.

Sa modelo ng pitong kontinente, itinuturing ang dalawang Amerika bilang mga magkakahiwalay na kontinente. Gayunpaman, maaari ring ituring silang iisa - ang kontinente ng Amerika o ang Kaamerikahan. Ang ganitong pananaw ay laganap sa Estados Unidos hanggang noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at nananatili pa ring sikat ito sa ilang bahagi sa Asya na sumusunod sa anim na kontinenteng modelo.[12] Ganito pa rin ang pananaw ng mga bansa sa Amerikang Latino, Espanya, Portugal, Pransiya, Italya, Alemanya, Gresya, at Unggaro, kung saan itinuturo sa mga paaralan nito na may iisa lang na Amerika.

Samantala, tinatanggal kadalasan sa usapan ang pamantayan ng pagkakahiwa-hiwalay kung hahatiin ang magkarugtong na kontinente ng Eurasya sa dalawa - ang mga kontinente ng Asya at Europa. Kung pag-uusapan ang pisikal na heograpiya, itinuturing na tangway lamang ang Europa at Timog Asya ng kalupaang Eurasya. Gayunpaman, madalas itinuturing na kontinente ang Europa dahil sa kabuuang lawak ng lupang maikukumpara sa ibang kontinente: 10,180,000 kilometro kuwadrado (3,930,000 milya kuwadrado). Kalahati lang sa sukat na iyon ang kabuuang lawak ng Timog Asya, kaya madalas itong itinuturing na subkontinente. Sa modelo ng anim na kontinente, may iisang kontinente ng Eurasya lamang. Isa itong alternatibong pagtingin na ginagamit sa larangan ng heolohiya at heograpiya. May ilang naniniwala na ang pananaw ng magkahiwalay na Europa at Asya ay isang iniwan na bakas ng Eurosentrismo: "kung titingnan ang pagkakaiba-iba sa pisikal, kultura, at kasaysayan, maikukumpara ang Tsina at India sa kabuuan ng kalupaan ng Europa, di sa iisang bansang Europeo. [...]"[11] Gayunpaman, dahil na rin sa mga kadahilanang pangkultura at pangkasaysayan, madalas na hinihiwalay ang dalawa.

Kung mahigpit ang pamantayan na ang kontinente ay isa dapat na "magkakahiwalay at magkakaiba," mabubuo ang iisang kontinente ng Apro-Eurasya mula sa pinagsamang mga kontinente ng Aprika, Asya, at Europa.[13] Kung isasama rin ang iisang Kaamerikahan, magkakaroon lamang ng apat na kontinente: Apro-Eurasya, Antartika, Awstralya, at Kaamerikahan.

Noong mas mababa pa ang taas ng katubigan noong kasagsagan ng Panahon ng Yelo ng Pleistoseno, mas marami ang nakalabas na bahagi ng kalupaan at gumagawa ng mga tulay na lupa. Noong panahong iyon, magkakakonekta at hiwalay rin sa iba ang kontinente ng Awstralya (binubuo ng Awstralya at Bagong Ginea). Magkakonekta rin ang mga kontinente ng Apro-Eurasya at Kaamerikahan sa tulong ng tulay na lupa ng Bering. Konektado rin ang iba pang mga isla noong panahon na iyon tulad ng Pilipinas at Gran Britanya sa pangunahing kalupaan ng mga kontinente. Noon din panahong iyon, may tatlo lamang na kontinenteng magkakahiwalay at magkakaiba: ang kontinente ng Apro-Eurasya-Amerika, Antartika, at Awstralya-Bagong Ginea.

Sukat at populasyon

Ipinapakita sa talahanayan sa baba ang mga sukat na binigay ng Encyclopedia Britannica para sa bawat kontinente ayon sa pananaw ng pitong kontinente, kabilang na ang Australia kasama ang Melanesya, Mikronesya, at Polinesya bilang bahagi ng Oseaniya. Nakatala rin sa baba ang mga populasyon ng bawat kontinente ayon sa mga pagtatayang ginawa ng Dibisyon ng Estadistika ng Mga Nagkakaisang Bansa 2021 base sa heoskema ng UN, kung saan kinokonsidera ang kabuuan ng Rusya (pati Siberia) bilang bahagi ng Europa, ngunit isinasama ang mga bansang transkontinental na Azerbaijan, Tsipre, Heorhiya, Kasakistan, at Turkiye (pati ang Silangang Thrace) bilang bahagi ng Asya.

Padron:Srn

Mga kontinente[14][15][16][17][18][19][20][21] at pagtataya sa populasyonPadron:UN population
Kontinente o rehiyon Sukat Populasyon
km2 mi kuw % ng kalupaan Pagtataya

2021

% ng kabuuan
Asya 44,614,000 17,226,000 29.8% data-sort-value="

4,694,576,167" | 4.7 bilyon

60%
Aprika 30,365,000 11,724,000 20.3% data-sort-value="

1,393,676,444" | 1.4 bilyon

17%
Hilagang Amerika 24,230,000 9,360,000 16.2% 600 milyon 7.6%
Timog Amerika 17,814,000 6,878,000 11.9% data-sort-value="

434,254,119" | 430 milyon

5.6%
Antartika 14,200,000 5,500,000 9.5% 0 0%
Europa 10,000,000 3,900,000 6.7% data-sort-value="

745,173,774" | 750 milyon

9.8%
Oseaniya 8,510,900 3,286,100 5.7% data-sort-value="

25,921,089" | 44 milyon

0.54%

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 "kontinente". Diksiyonaryo.ph (sa wikang Filipino). Nakuha noong Oktubre 16, 2020.{{cite web}}: CS1 maint: url-status (link)
  2. "Continents: What is a Continent?" [Mga Kontinente: Ano ang isang Kontinente?] (sa wikang Ingles). National Geographic. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 29, 2006. Most people recognize seven continents—Asia, Africa, North America, South America, Antarctica, Europe, and Australia, from largest to smallest—although sometimes Asia and Europe are considered a single continent, Eurasia. (Kilala ng karamihan ang pitong kontinente— Asya, Aprika, Hilagang Amerika, Timog Amerika, Antartika, Europa, at Awstralya, pinakamalaki papaliit— kahit na paminsan-minsan, tinuturing bilang iisang kontinente ang Asya at Europa, ang Eurasya.) {{cite web}}: |archive-date= / |archive-url= timestamp mismatch; Hunyo 29, 2009 suggested (tulong)
  3. Choi, Charles Q. "Did Ancient Mars Have Continents?" [May mga Kontinente Ba ang Sinaunang Mars?]. Space.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong Oktubre 7, 2020.
  4. Lewis & Wigen, The Myth of Continents (1997), p. 21.
  5. "Distribution of Land and Water on the Planet" [Distribusyon ng Kalupaan at Katubigan ng Planeta]. UN Oceans Atlas (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 31, 2008. Nakuha noong Oktubre 7, 2020.
  6. "continent". Oxford English Dictionary (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) edisyon). Oxford University Press. 1989. (Kailangan ang suskripsyon o maging kasaspi ng publikong aklatan ng UK.)
  7. "continent [2, n] 6" (1996) Webster's Third New International Dictionary, Unabridged. [Ang Ikatlong Bagong Pangmundong Diksiyonaryong Webster] ProQuest Information and Learning. "a large segment of the earth's outer shell including a terrestrial continent and the adjacent continental shelf (isang malaking bahagi ng balat ng mundo kasama ang isang kontinenteng panlupa at ang karatig na kalapagang kontinental)"
  8. Monkhouse, F. J.; John Small (1978). A Dictionary of the Natural Environment [Ang Diksiyonaryo ng Natural na Kalikasan] (sa wikang Ingles). London: Edward Arnold. pp. 67–68. structurally it includes shallowly submerged adjacent areas (continental shelf) and neighbouring islands (sa usapang istraktura, kasama rito ang mga karatig na mabababaw na nakalubog na bahagi (kalapagang kontinental) at mga kalapit na isla)
  9. Ollier, Cliff D. (1996). Planet Earth [Planetang Daigdig]. sa Ian Douglas (pat.), Companion Encyclopedia of Geography: The Environment and Humankind. [Karamay na Ensiklopedya ng Heograpiya: Ang Kalikasan at ang Sangkatauhan] London: Routledge, pa. 30. "Ocean waters extend onto continental rocks at continental shelves, and the true edges of the continents are the steeper continental slopes. The actual shorelines are rather accidental, depending on the height of sea-level on the sloping shelves. (Lumalagpas ang katubigan ng karagatan sa mga batong kontinental sa mga kalapagang kontinental, at ang mga totoong pinakagilid ng mga kontinente ay ang mas matatarik na dalisdis. Ang aktwal na baybayin ay pawang aksidente lamang, dumedepende sa taas ng katubigan sa mga dalisdis ng kalapagan.)"
  10. Lewis & Wigen, The Myth of Continents (1997), p. 40: "The joining of Australia with various Pacific islands to form the quasi continent of Oceania ... (Ang pagsasama ng Awstralya at iba't ibang mga isla sa Pasipiko para mabuo ang malakontinente ng Osiyanya ...)"
  11. 11.0 11.1 The Myth of Continents [Ang Mito ng mga Kontinente] (sa wikang Ingles). 1997. {{cite book}}: Unknown parameter |authors= ignored (tulong)
  12. Lewis & Wigen, The Myth of Continents (1997), Kabanata 1: "While it might seem surprising to find North and South America still joined into a single continent in a book published in the United States in 1937, such a notion remained fairly common until World War II. [...] By the 1950s, however, virtually all American geographers had come to insist that the visually distinct landmasses of North and South America deserved separate designations." (Bagamat maaaring nakakagulat na malaman na sinasama ang Hilaga at Timog Amerika sa iisang kontinente sa isang librong inilimbag sa Estados Unidos noong 1937, ang ganong pananaw ay karaniwan hanggang sa pagsapit ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. [...] Gayunpaman, noong dekada 1950, pinipilit na ng lahat halos ng mga heograpong Amerikano na karapat-dapat na magkahiwalay ang mga tiyak na lupain ng Hilaga at Timog Amerika.)
  13. R.W. McColl, pat. (2005). "continents" [kontinente]. Encyclopedia of World Geography (sa wikang Ingles). Bol. 1. Facts on File, Inc. p. 215. ISBN 978-0-8160-7229-3. Nakuha noong Oktubre 26, 2020. And since Africa and Asia are connected at the Suez Peninsula, Europe, Africa, and Asia are sometimes combined as Afro-Eurasia or Eurafrasia. (At dahil magkakonekta ang Aprika at Asya sa Tangway ng Suez, madalas pinagsasama ang Europa, Aprika, at Asya bilang Apro-Eurasya o Euraprasya.)
  14. "Asia" [Asya]. Encyclopædia Britannica. 16 Nobyembre 2020. Nakuha noong 26 Oktubre 2022.
  15. "Africa" [Aprika]. Encyclopædia Britannica. 30 Oktubre 2020. Nakuha noong 26 Oktubre 2022.
  16. "North America" [Hilagang Amerika]. Encyclopædia Britannica. 12 Pebrero 2021. Nakuha noong 26 Oktubre 2022.
  17. "South America" [Timog Amerika]. Encyclopædia Britannica. 7 Pebrero 2021. Nakuha noong 22 Oktubre 2022.
  18. "Antarctica" [Antartika]. Encyclopædia Britannica. 10 Marso 2021. Nakuha noong 26 Oktubre 2022.
  19. "Europe" [Europa]. Encyclopædia Britannica. 26 Nobyembre 2020. Nakuha noong 26 Oktubre 2022.
  20. "Australia". Encyclopædia Britannica. 19 Hulyo 2021. Nakuha noong 26 Oktubre 2022.
  21. "Oceania" [Oseaniya]. Encyclopædia Britannica. 30 Enero 2020. Nakuha noong 26 Oktubre 2022.