Padabog na dumaan si Gia sa harap ko sa gitna ng aking panonood ng tv. Bumubulong-bulong siyang tumakbo sa kuwartong nasa itaas.
“Anong problema nun?” baling ko sa kanyang ina na kasalukuyang naglalagay ng mga pinggan sa hapag-kainan.
“Hindi binigyan ni Jojo ng pambili ng dagdag na regalo,” sagot ni Gina habang iniaayos ang mga kutsara’t tinidor sa bawat pinggan.
“Magkano ba hinihingi? Bakit may dagdag pang regalo? Kulang?” makulit kong usisa.
“Sandaan. Kulang pa daw yung ipanreregalo niya.” Tumalikod na si Gina para kumuha ng tubig sa loob ng ref. May lungkot sa kanyang tinig.
Hindi ako komportable sa asal ng pamangkin ko. Wala siyang karapatang magdabog lalo na’t nakikita naman nilang magkakapatid ang pagbabanat-buto ng kuya ko sa kanyang trabaho.
Sinundan ko si Gia sa kuwarto. Nakahiga ito sa kama. Nakapikit at hindi pa ito nagpapalit ng suot na uniporme. Tinabihan ko siya sa kanyang pagkakahiga.
“Ano bang problema?” tanong ko.
“Iiiih. Tito naman eh.” Pagsasaway ni Gia sa aking tanong. Bumaluktot siya’t tumagilid patalikod sa akin.
“Alam mo, ang pasko ay pagbibigayan ngunit hindi ito tungkol sa halaga ng ibinibigay. Ang mahalaga ay kung taos-puso ang pagbibigay. Magbibigay ka nga, masakit naman ang loob mo o nakasakit ka pa sa iba. Mas maigi pa sigurong huwag na lang magbigay kung ganoon.”
Tahimik na nakikinig si Gia.
“Noong bata pa kami, noong panahong mababa pa ang presyo ng gasolina at gasera ang gamit na pang-ilaw sa gabing madilim… kuntento na kami sa pretzels at choco mallows na regalo, maski pare-pareho lang kaming magkaklase ng exchange gifts.”
Nagtawanan kami ni Gia sa huling sinabi ko.
“Kunwari magreregalo ka ng maliit na salamin bilang regalo, maghanap ka na lang ng magandang quotation o gawan mo ng patok na mensahe ang pagbibigyan mo. Pwede mong isulat sa gift wrap na ‘Tuwing pagmamasdan mo ito, makikita mo ang isa sa pinakamagandang tao sa mundo.’ Mas maa-appreciate pa yun. Kumbaga may personal touch. ” Nangingiti kong dagdag.
“Hala naman si Tito, pambobola naman iyon. Parang nagsisinungaling pa ako kapag sinulat ko ang ganon.” Hindi napigil ni Gia ang kanyang pagngiti.
“Tumayo na kayo riyan at kakain na. Bong. Gia.” Tawag ni Gina na nasa bukana na rin pala ng kuwarto.
Sumunod kami kay Gina at sama-sama naming pinagsaluhan ang naihandang hapunan.
KINAUMAGAHAN, binigyan ko si Gia ng isandaan bago siya pumasok ng paaralan.
“Regalo ko ito sa iyo. Ikaw na ang bahala kung papano mo gagamitin. Puwede mong ibili ng anumang kailangan o gusto mo para sa sarili mo. Pwede ring ipambili mo ng panregalo sa nabunot mo.”
“Salamat Tito.” Kinuha ni Gia ang pera at tumakbo na para pumasok sa eskuwela.
Iginagalang ko kung anuman ang pasya ni Gia sa perang kanyang tinanggap. Umaasa rin akong may natutunan ang pamangkin ko sa pangyayaring ito: kung hindi man ngayon ay balang-araw sa bawat pagkakataong mababasa niya ang akdang ito.
*** *** ***
Ang pagbibigay ay hindi tungkol sa pagtutumbas ng halaga ng bawat regalong natanggap. Kung magkaganon, barter ang magiging kalalabasan nito at hindi pa natin lubusang naintindihan ang diwa ng pasko. Mula sa payak na pagkapanganak ng Mesiyas sa sabsaban ay umusbong ang kanyang kadakilaan. At ang kadakilaang iyon ay hindi dahil sa karangyaan o estado ng buhay.
Hindi natin mapapantayan ang pag-aalay ni Hesus ng sariling buhay sa sangkatauhan. Pinagtagumpayan niya ang kamatayan sa kanyang muling pagkabuhay. Hindi man natin lubos na maarok o matanto o maunawaan ang kabigha-bighaning himalang ito, marahil ay sapat nang malaman nating tayo’y Kanyang iniligtas.
Katulad ng kaning ating pinagsasaluhan, nabusog man tayo’y bihira man nating maisip ang hirap at pawis ng mga magsasaka sa pagtatanim, pag-aalaga, pag-aani, pagbibilad at pagkikiskis.
Hindi na rin natin iniintindi ang tagal ng panahon at prosesong pinagdaraanan ng gasolina upang magamit natin sa iba’t ibang paraan para sa pagtataguyod ng ating buhay.
Hindi na natin kailangang ungkatin pa ang nakaraan ng isang tao… Sapat ng tayo’y naririto’t nagpapatuloy sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay at nagsisikap para sa isang magandang bukas. At yun ang mahalaga.
Nawa’y mapagliyab natin ang gasolina sa bawat isa: ang pag-asa, ang pagmamahalan, ang pag-ibig.
*** *** ***
At para sa lahat ng dumaan, dumalaw, nagbasa at naging bahagi ng munting pitak na ito sa blogosperyo, maraming, maraming, maraming salamat at masaganang bagong taon para sa ating lahat! Mabuhay!!! 😀