Nang una kaming magkakilala ng pamosong Lio Loco ng thessddmantra.net, tinanong niya ako “Wala ka bang balak mag-abroad, Kuya?” Ang sagot ko naman: “Dati, meron. Pero ngayon, wala na. Matanda na ako; hanggang trenta’y singko lang ang karaniwang tinatanggap sa pagtatrabaho sa ibang bansa.” Saglit na nabalam ang aming pag-uusap dahil tinawag na kami ng mga kaibigang naghihintay sa amin sa pagtitipong aming pupuntahan. Sa kalaunan, nilamon ng sari-saring paksa ang una naming napag-usapan.
Kabilang si Lio sa lumalaking bahagdan ng ating populasyon na gustong mag-abroad. Umaasang mahahanap ang magandang kapalaran sa ibang bansa kung saan mas mataas ang pasahod, kung saan mas malaki ang kita, kung saan maaaring matamasa ang mga hinahangad para sa pamilya.
Hindi na nga siguro mapipigilan pa ang patuloy na migration ng manggagawang Pilipino. May aalis, may babalik at mayroong aalis muli. Ang masaklap, dumarami ang OFWs na pumipirmi sa ibang bansa at bumabalik na lang sa Pilipinas kung retirado na sila. Idagdag pa rito ang mga nagbubunying OFW na maaaring magkamit ng permanent residency sa Hongkong alinsunod sa desisyon ng Mataas na Hukuman doon. Sa wakas, kinilala at pinagtibay ang karapatan ng ating kababayang manggagawa sa banyagang lupain!
Isang mapait na katotohanan ang paglikas ng ating kababayan upang magtrabaho sa ibang bansa. Ang mga utak at mga kamay na dapat bumubuo sa ating pagkabansa ay unang pinakikinabangan ng mga banyaga at ang karagdagan o mas maliit na bahagi sa kapakinabangang iyon ang siyang naibabalik sa Pilipinas o kaya’y tinatangkilik sa pagpapaandar ng ekonomiya ng bansa. At dahil kinikilala ang kanilang kontribusyon sa ating bansa, ang OFW ay bayani sa makabagong panahon.
Marami ang kumakapit at kakapit sa pag-asang hatid ng kinang ng salapi ng lupang banyaga, anumang hirap ang kailangang tiisin, maski na kailanganing ipagbili ang ilang natatanging ari-arian, maski na mapapalayo sa pamilya at mga mahal sa buhay, maski na hindi palarin sa unang pagkakataon dahil sa panloloko ng mga mandaraya at mapagsamantala. Magpapatuloy ito… hanggang nanatiling bulag ang pamahalaan at ipinagpipilitan ang hungkag na estadistikang kayang mabuhay sa halagang P265.00 kada araw ang isang pamilyang binubuo ng limang katao, hanggang nananatiling basag ang tinig ng mga lokal na manggagawa, hanggang patuloy na binabarat at nababarat ang ani ng mga mangingisda at magsasaka, habang patuloy na hinihigpitan ang sinturon ng mga mangangalakal at kapitalista, hanggang hindi nagkakaroon ng pagbabago sa kalakarang ito.
Ito ang reyalidad na kailangang harapin sa ngayon: ang diaspora ng manggagawang Pilipino. Paano na ang Pilipinas?
Parehong nars ang pinsan kong si Lorelia at ang kanyang asawang si Sherwin. Nagtrabaho sila sa UK ng ilang taon, nagkaroon ng anak, nakapagpatayo ng bahay sa probinsiya, nagbakasyon ng ilang linggo sa Pilipinas bago lumipat ng pagtatrabahuan sa Canada kung saan sila nakatira ngayon. Bihirang may tumira sa itinayo nilang bahay sa probinsya bagamat paminsan-minsan ay dumadalaw doon ang Tita Lorraine kasama ang katulong upang maglinis at magtanggal ng agiw at alikabok.
Si Roselee ay nasa United Kingdom pa rin. Sumunod na rin ang aming kaklase at kaibigang si Cheryl. Sa Inglatera nila natagpuan ang kanilang pag-ibig, sa mga kababayang Pinoy din at ngayon nga’y sa Europa nila binubuo at tinutupad ang mga pangarap.
Lumihis ng karera si Julio, ang masipag at mabait kong katrabaho dati. Isa’t kalahating taon na siyang nagluluto sa Saudi Arabia at tatlong beses na siyang tinanghal na Employee of the Month sa kanilang restaurant. Na-miss ko tuloy ang mga niluluto niyang iba’t ibang putahe tuwing may handaan lalo na kung pista sa Tondo. Ang kawalan sa kulinarya ng Pritil ay karagdaragan sa kulinarya ng Dammam.
Pabalik-balik si Manuel sa Angola upang manggamot sa mga manggagawang maysakit sa isang malaking construction firm sa Soyo. Salamat na lang at sina Jake, Gerald at Xati ay nananatiling doktor dito sa Pilipinas, hindi nga lang sa bayan namin…
Si James ay electrical engineer sa Japan. Sa pagbabanat-buto (at pagbabatak-utak?) niya roon ay naitaguyod niya ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid, na ngayon ay mga propesyonal na rin: isang abogado, isang inhinyero at dalawang nars. Mataas ang paggalang at paghanga ni Martinelli sa kanyang Kuya James. Ipinagyayabang kong sasabihing kaklase ko sa high school si James at saludo ako sa kanya!
Si Alex ay nasa Singapore. Si Roanne ay nasa Macau. Si Liza ay nasa Dubai. Mula Honduras ay nakabalik na sa Germany si Ymay ngunit sa isang linggo ay pupunta na sila sa Bali, Indonesia kasama ang kanyang amo/katulong na madedestino roon.
Si Agbayani ay nasa Vancouver. Si Dexter ay nasa Saudi. Si Jhic ay nasa Hongkong. Si Claire ay nasa Shanghai. Si Posse ay nawawala, nasa Alemanya pa kaya siya?
Silang lahat ay mga OFW at magiliw kong masasabi na ako ay may mga kamag-anak, kaklase, kaibigan, katrabaho, kainuman, kabarkada at kakampi na mga bayani!
Ngunit nararamdaman kaya nila ang pagiging bayani sa banyagang lupain? Napagtatanto ba ng mga OFW ang pagiging “heroes in strange lands”? Hindi ba’t tuwing uuwi ang isang OFW, dinudumog siya ng tao: mga kamag-anak, kaibigan, kakilala. Naroong may mangungumusta, mag-uusisa kung ano ang dala, kung ano ang napala sa pag-aabroad at kung may pasalubong ba. Yun nga ba ang matatawag na hero’s welcome?!?
Kung ang ating think tank at skilled workforce ay nasa iba’t ibang lupain sa labas ng Pilipinas, paano na? May uuwian pa ba ang OFW na Pilipinas? Magiging bayani pa ba ang OFW sa nawawalang Pilipinas?
Hindi lingid sa atin ang kuwento ng ating mga sinaunang bayani, na sa pamimilit ni Paciano, nangibang-bansa si Jose Rizal upang mag-aral at magpakadalubhasa. Namulat ang kamalayan ni Rizal sa iba’t ibang bansang kanyang napuntahan; at bumalik siya upang ihatid ang pagbabago, upang mapalaya ang Pilipinas sa paninikil ng mga mapang-aping Kastilang nasa poder. Sa pagsali ni Rizal sa La Liga Filipina, isinulong nila ang pantay na pagtingin ng pamahalaang Kastila sa lahat ng mamamayan, may dugong Kastila man o wala. Ngunit higit pa roon ang inihatid ng kanyang sinulat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ginising niya ang natutulog na damdamin ng naaapi at inaalipustang indio kung kaya sumiklab ang himagsikan upang makamit ang inaasam na paglaya.
Hindi nalalayo sa himagsikang iyon ang dapat maganap sa ating lipunan sa kasalukuyan: ang himagsikan para sa pagbabago. Malaking hamon para sa OFW na tumugon sa panaghoy ng naghihingalong Pilipinas. Hindi kaya abuso nang maituturing ang paghingi ng dagdag na biyaya o tulong sa kanila bilang mga bayani?
Hindi man hayag, marami rin sa ating mga kababayan ang tumugon sa panawagang ito. Si Manuel V. Pangilinan ay isa sa mga natatanging halimbawa rito. Hindi siya tumigil sa pagsisilbi sa Singapore at Hongkong bilang executive doon. Bagkus, umuwi siya sa Pilipinas upang itaguyod ang ating ekonomiya sa paraang alam niya. Ngayon, siya ay kinikilala sa maayos at matatag na pamamahala at pagpapatakbo ng iba’t-ibang negosyo sa bansa.
Ang mga nagwaging Ramon Magsaysay awardees na sina Christopher at Ma. Victoria Bernido na nagpakadalubhasa sa ibayong-dagat ngunit tinalikuran ang trabaho roon upang bumalik sa Pilipinas at magtatag ng sariling paaralan. Bagamat hirap, isinulong nila ang pagtulong sa paglaganap ng edukasyon sa kanilang bayan sa Jagna, Bohol.
Mga ilang taon ding nagtrabaho si Rico sa Nigeria bilang electronics and communications engineer doon kung saan nagsikap siyang matupad ang kanyang mga pangarap. Napatayuan niya ng bahay ang kanyang ina, pinapag-aral niya ang kanyang mga pamangkin, tinutulungan niya ang kanyang dalawang kapatid sa kanilang mga gastusin, dagdag na rin dito ang mga hingi at utang na hindi binabayaran ng mga kamag-anakan. Ngunit nagbago ang lahat ng dinapuan si Rico ng karamdaman. Nagamot siya sa ibang bansa, ngunit nangulila siya sa pag-aaruga ng mga taong totoong nagmamahal sa kanya kung kaya bumalik siya sa Pilipinas. Handa na siyang mag-retire ngunit kinumbinsi siya ng dating kompanya para bumalik sa trabaho at ibahagi ang kanyang kaalaman at kakayahan. Ang pinakamainam, sa kanyang pagbalik sa Pilipinas, natagpuan niya ang babaeng pinakamamahal; kaya naman, masigla silang nagtatrabaho at naglilingkod para sa ating bansa.
Hindi ko sinasabing sina MVP, ang mag-asawang Bernido at si Rico lamang ang tunay na bayani. Ang sinasabi ko lamang ay lamang sa pagkabayani ang direktang tumutugon sa pagbabahagi sa ating pagkabansa. Huwag rin nating kalimutan o isantabi o ipagwalang-bahala ang mga sari-saring ambag sa ating pagkabansa— ni Herbert bilang naval aviator, ni Jaime bilang city fire marshal, ni Jason bilang IT staff, nina Al Romuald, Larry at Journalisa bilang mga guro at dakilang tagapaghubog ng mga murang isipan, nina Jerome, Arnie at Michelle bilang mga auditor at accountants, ni Karen bilang ghostwriter, ni Kristina bilang statistician, ni Stephen bilang medical representative, nina Jewel, Renante, Emil at Mavic bilang mga manananggol at tagapagtaguyod ng katarungan, ni Jeoffrey bilang environmentalist at mangangalakal ng bote at diyaryo, ni Max bilang rice trader, nina Leonard at Lyndahl bilang mga inhinyero, at ang marami pang mga manggagawang matibay ang sikmura at may matibay na dibdib na naiiwan at nananatili sa ating bansa upang sagupain ang mga suliranin sa ating lipunan sa araw-araw.
Ang hinahangad ko lang naman, sa pagbabalik ng OFW, maliban at higit pa sa pasalubong (na sana ako ay maambonan!), ay ang dala niyang pagbabago. Para sa pag-unlad at pagsulong ng bansa!
* * *
Ang post na ito “Pagbabalik… Pagbabago… Pagsulong!” ay inilahok sa Pinoy Expats/OFW Blog Awards 2011 na may temang ““Ako’y Magbabalik, Hatid Ko’y Pagbabago.” (I Will Return, I Will Bring Change.)” at tinanggap bilang “Official PEBA 2011 Nominee No. 16 for OFW Supporters Division” ng http://www.pinoyblogawards.com/. Ang mambabasa ay inaanyayahang suportahan ang tampok na akda: maaaring mag-iwan ng puna o komento sa ibaba at bumisita lamang sa http://www.pinoyblogawards.com/ para bumoto– nasa kanang bahagi ang botohan, markahan ang parisukat sa tabi ng “16. Ang Alingawngaw ng Taribong, Makati“, pindutin ang “submit vote” at kumpirmahin ang iyong pagboto. Hanggang sa ika-5 ng Disyembre 2011 lamang po ang botohan. Maraming salamat. 😀






