Tae na naman, ibang araw lang.
Hindi totoo yan. Yung iba nga, hindi pa natatapos ang buong araw, nakadalawa o nakatatlo nang sunod-sunod na pagbisita sa kubeta. Yung iba naman, sa susunod na araw pa!
Ay, mali ba ang unawa ko sa usapang tae sa pakonteshit ni Lio?
Sa aking pananaliksik, ang linyang peyborit ni Lio ay mababasa sa peyborit niyang libro na sinulat ng peyborit niyang may-akda. Matutunghayan din ang linyang nabanggit sa pelikulang peyborit ni Lio kung saan ito ang isinagot ni Red noong tanungin siya kung ano ang kinalabasan ng kanyang application for parole. Dahilan sa makailang ulit na pagkakatanggi, tanggap na ni Red na tatapusin niya ang hatol na habambuhay na pagkakakulong sa Shawshank.
Tulad mo rin ba si Red na nawawalan na ng pag-asa? Bilanggo ka ba ng pare-pareho at paulit-ulit na gawain? Nakakaranas ka na ba ng pagkahapo, pagkabagot at pagod dahil tila walang pinatutunguhan ang iyong mga pagsisikap at pagsisigasig? Ako man ay nakakaranas ng ganitong pagkakataon.
Sa ginawang pagtakas ni Andy nakakita si Red ng inspirasyon, ng pag-asa, ng liwanag na hindi pa tapos ang lahat. Dalawampu’t-pitong taon ang binuno ni Andy para mabutas ang malapad na pader ng piitan gamit ang maliit na martilyo na hindi namamalayan ng sinuman. Tiniis niya ang pandidiri at nakakasulasok na amoy ng posonegro upang maisakatuparan ang inaasam na paglaya. Ayon kay Red, ang sikreto sa matagumpay na pagtakas ni Andy ay ang kanyang hindi matatawarang pagpupursige at kasipagan; idagdag na rin dito ang suwerte, madaming-madaming suwerte, at ang katangian ng semento ng mga pader ng Shawshank.
Kung naihambing man natin ang sarili kay Red, mas makabubuting maging kawangis ni Andy. Maski pagod at bagot na sa pare-pareho at paulit-ulit na gawain, ipagpatuloy lang sana ang pagsusumikap at pagsisigasig. Huwag sanang mawawalan ng pag-asa dahil balang-araw, matatapos din ang lahat ng hirap na dinaranas. Darating din ang inaasam na pagsulong at pag-unlad sa buhay at magkakaroon ng katuparan ang mga pangarap. Na hindi na kailangan pang lumusong sa imbakan ng tae!
Ang tae naman ay hindi na rin tae sa ibang araw. Magiging lupa rin ito kalaunan at maaari na itong maging pataba sa halamanan balang-araw; ibig lang sabihin, tae man ay may gamit din :D. At kung ang tae ay mapabilang sa poso-negrong lulubluban ni Euguene Domingo sa Walang-wala Part II, artistang tae ang tawag dun bwahehe 😉
Nakaabot ka hanggang dito sa dulo? Gwwaarrk.
Ang tibay mo! Maraming salamat sa pagbabasa… Hanggang sa muling pagtatae!