Matagal na nakatitig lang si Miss Sanchez sa tsini-tsek na notebook ng isa sa kanyang estudyante. Hindi dahil sa mas madaming mali kaysa sa tama ang mga sagot sa takdang-aralin ngunit sa nakasulat sa isa sa mga pahina ng kuwaderno na labis niyang ikinabigla.
Mga ilang minuto rin ang nagdaan bago niya naisipang tawagin sa kanyang harapan ang batang may-ari ng notebook.
“Marissa, who wrote this?”
Nagulat ang bata. Matitiklo na yata ni Miss Sanchez na hindi siya ang gumawa ng kanyang assignment. Siya kasi ang nagpatuloy ng labahin ng kanyang ina dahil dumating ang kaibigan nito at may malaking problema raw. Nag-inuman ang magkaibigan at nagprisinta ang bisita, si Cora na siya na lang sasagot sa naiwang assignment ni Marissa na nakalapag sa mesa. Hindi nakatanggi si Marissa dahil pagagalitan lamang siya ng kanyang ina. Nayari na!
“Alin po?” umarteng nagulat si Marissa.
“This.” Ipinakita ni Miss Sanchez ang pahina. Nagulat si Marissa dahil hindi yung assignment ang pinakita ng guro. Kakaiba ang pagkakasulat at halatang minadali. Malamang sa Tita Cora niya iyon, yung kaibigan ng nanay niya na nakipag-inuman kagabi.
“I think Tita Cora po. I’m sorry she write in my notebook. I don’t know to her she did that.”
“It’s okay. But next time, don’t let anyone leave scribbles on your notes especially when it does not concern our subject. You go back to your seat.”
“Yes, ma’am. Sorry again.” Yumuko si Marissa at tumalikod. Napangiti siya dahil sa hindi niya inaasahang pag-i-English niya ng di-oras. Balang-araw makakapag-call center din siya, naisip niya.
Binasa muli ni Miss Sanchez ang nakasulat sa notebook. Maraming bagay ang pumapasok sa isip niya. Naalala niya ulit si Jake. Halos isang taon ding wala silang komunikasyon. Wala siyang balita sa kanya. Basta na lang siyang iniwan.
Ang Jake niya… Ang Jake ng Tita Cora ni Marissa. Magkapangalan pa sila ng Tita Cora ni Marissa. Maliban sa babes at chicklet, Cora din ang tawag sa kanya ni Jake bagamat mas kilala siya sa palayaw na Josie. Mabantot kasi ang pangalan niyang Dioscora Sanchez. Hindi naman siguro iisa ang Jake niya at ang Jake ng tita Cora ni Marissa. Labo-labo na ang nasa isip niya.
Pagkatapos mai-record ni Miss Sanchez ang mga scores ng mga estudyante sa kanilang assignment, ibinalik na niya isa-isa ang mga notebooks. Maaga niyang dinismiss ang klase.
Pagkakuha ng notebook, binuklat agad ni Marissa ang pahinang tinutukoy ni Miss Sanchez kung saan nakasulat: Potangena mo Jake. Ngayon ka lang nagparamdam kung kelan ayos na ang bohay ko. Gago ka. Nang-iwan ka wla ka nang bablikan. Wag na wag kang magpapakita sa akin. Hayup ka papatayin kita. Binuntis mo ako at iiwanan. Buti na lang andun si Joseph. Tangina ka, sinaktan mo ako sobra-sobra. Mabulok ka sana diyan. Hoy yung pera ko, ibalk mo. Pera ko ginamit mo tumaya sa jueteng. Ako nagbigay ng number 7-2. Ibalik mo pera ko yun. Gago ka, kinubra mo agad ang pera kay Jekjek tapos nawala ka na. Buti nga sa yo nakulong. Hindi mo makikita si Mica. Wag mo kaming guluhin. May sarili na akong buhay. Tae ka. Huli na ‘to. Cora.
Pinilas ni Marissa ang pahina. Madiin ang pagkakasulat kaya bakat pa rin ito sa mga naiwang pahina ng notebook. Tiniklop niya ang kapirasong papel at isinilid ito sa likod ng picture ni Super Junior sa kanyang wallet. Binitbit na ni Marissa ang kanyang tatlong notebook para makauwi na siya.
Nakabalik na sa faculty room si Miss Sanchez. Biglang sumakit ang kanyang ulo at tila nilalamig. Hindi niya napigilan ang sarili sa bigat ng nararamdaman. Tumakbo siya sa CR at nagkulong. Tuluyang naglabas siya ng sama ng loob. Umiyak siya ng umiyak.