Paano ba maghanda sa pagsusulit? Inuulit mo bang basahin ang bawat pahina ng iyong kuwaderno at aklat? Araw-araw mo ba itong ginagawa o sa kinagabihan lang bago ang araw ng exam?
Binabalikan mo na lang ba ang iyong aralin at pinagtutuonan ng pansin ang mga puntong hindi mo pa gamay o kailangan pang intindihing maigi?
Tuwing kukuha ka ba ng pagsusulit ay parating lumalabas ang iyong pinag-aralan? O mas madalas na wala ang iyong pinag-aralan sa lumabas na eksamin at nagngingitngit ka sa gumawa ng exam?
Para lang tayong mga mag-aaral na kumukuha ng pagsusulit
Sa pagkuha ng pagsusulit, kalmado ka o kabado?
Mataas ba ang marka na nakukuha mo sa pagsusulit? Nakakuha ka na ba ng pinakamataas na iskor at may papuri pa ng iyong titser? Yung tipong napapatalon ka sa galak at ang resulta ng pagsusulit ay gusto mong ipa-laminate at ipaskil sa dingding para makita ng lahat?
Naranasan mo na rin bang mabokya sa test? O di naman kaya ay sobrang baba na kinailangan mong punit-punitin ang papel ng pinong-pino para walang bakas o kaya ay walang maka-aninag sa iyong marka?
(Hindi ba’t nakaka-miss ang pagiging estudyante?)
Ahhh, kung ang mga hamon ng buhay ay parang pagsusulit lamang. Yun bang puwede kang maghanda para sa darating na pagsubok at malalaman mo agad kung ang sagot mo ay tama o mali. At ang maling sagot ay agad mong maitatama. O di naman ay may kodigo hehehe.
Ang kodigo ni Taribong para sa pagsusulit ni G. J.Kulisap sa Lubaklubak Elem Skul
Ngunit ang buhay ay hindi ganon kadali. Madalas ang mga pagsubok na dumarating sa atin ay hindi napaghahandaan. Bagama’t hindi tayo handa ay minamarapat nating piliin ang pinakamainam na solusyon para dito. Masusi man itong pinag-aralan o hindi. Kailangan lamang tayong maging handa sa anumang magiging kahihinatnan nito.
Marahil ang darating na halalan ay isa lamang pagsusulit. Kailangang punan ang bilog na kumakatawan sa taong nais mong iboto. At ang tinig ng nakararami ang magtatalaga nang mga maglilingkod sa atin. Dapat. Ngunit kung sino man ang maluluklok sa pwesto ay may malaking responsibilidad kung ang bayan natin ay susulong o uurong. Hangad ko na sana naman makaranas ang bayan natin ng ginhawa at pag-unlad.
Sa ngayon, may kanya-kanya tayong pagsusulit na hinaharap, malaki man o maliit. Nasa sa atin kung paano ito diskartehan. Sa bandang huli, ang pinakadakilang Guro ang magbibigay ng marka sa atin: pasado o bagsak.
Teka, ano na nga ba ang salitang-ugat ng pagsusulit? Sulit ba?



