(Babala: Ang susunod na salaysay ay kinapapalooban ng hindi kaaya-ayang tagpo. Huwag pamarisan.)
Mula sa tatluhang upuang panlima mula sa drayber ay lumipat ako sa pinakaharap na pandalawahan malapit sa pintuan ng aircon bus. Umupo sa tabi ko ang konduktor.
“Ayaw talaga magising, eh. Kanina ko pa siya niyuyugyog,” sabi ng konduktor sa drayber. Tumingin ako sa aking likuran. Hindi ko makita ang sinasabing ginigising. Nakasalampak siguro ito.
“Nakalampas na yata siya. Kanina pa yan tulog ah.” Sabi ng drayber. Mag-aalas dose na nga ng gabi. Dapat nga ay tulog na rin ako, pero may tinapos ako sa opisina kaya kailangang mag-overtime. Ngayon pa lang ako uuwi.
Lumingon ako ulit sa likuran. May tatlong pasahero akong nabilang. Nakita kong tumayo ang isang ale, bitbit ang kanyang yellow-green na malaking plastic bag at isang punumpunong itim na knapsack. Lumipat siya sa dati kong kinauupuan.
“Lasing yata yun,” malakas na sabi ng babae. Napalingon din sa likuran ang lalaking nasa likod ng drayber. Iilan na nga lang kaming pasahero sa aircon bus.
Mamaya, may isang lalaking tumayo, para siyang matutumba. Halatang lasing, lalo na’t namumula at mapupungay ang mata. Pasuray siyang lumipat sa kabilang upuan, doon sa pampitong pantatluhang upuan, sumalampak siya sa upuan.
Mga ilang sandali pa, tumayo uli ito at pasuray-suray siyang lumipat sa likurang upuan ng ale. Biglang napatingin sa kanya yung ale. “Ay, ayy, ayyy” bigkas ng ale, habang siya’y napatayo at lumipat sa pangalawang pantatluhang upuan. Ilang saglit lang ang pagitan, bumulwak ang unang bugso ng kung-anuman-yun mula sa bibig ng lasing na lalaki. Kung hindi nakaiwas ang ale, malamang sa kanya bumuhos ang kung-anuman-yun.
Sa pagkakatayo, sumandal ang lalaki sa dingding na salamin ng bus. Parang matutumba na talaga siya dahil sa uga ng bus habang bumibiyahe.
“Parang umiihi na siya,” sabi ko sa konduktor na nakaupo sa tabi ko.
“Ay, putik,” bulalas ng konduktor.
“Ay, ayyy, ayyyyy,” mas malakas na sabi ng ale, habang itinaas niya sa upuan ang kanyang malaking plastic bag na nasa lapag. Nasa tabi na niya ang kanyang mga daladala. Itinaas na rin niya ang kanyang mga paa sa upuan. Payat ang babae kaya niya naibaluktot ang kanyang mga paa, habang malayang dumaloy sa ilalim ng mga upuan papunta sa harapan ang kung-anuman-yun, sanga-sanga ang pagdaloy dahil sa takbo ng bus. Nakaihi na nga ang lasing na lalaki.
“Gago talaga. Iinom-inom tapos magkakalat sa bus.” Halatang inis na ang drayber. “Pababain mo na, itatabi ko lang” pagalit nang utos niya sa konduktor. “Kung dito natin ibababa, baka masagasaan pa yan. Kargo pa natin,” pahabol na sabi ng drayber.
Lumapit ang konduktor sa lalaki. Kinuha ang bag ng lalaki sa dati nitong kinauupuan at ibinigay ito sa kanya. Hindi inabot ng lalaki ang kanyang bag. Nananatili itong nakasandal sa salaming dingding.
Inilagay ng konduktor ang bag sa upuan, napaupo ang lalaki. “bumaba ka na rito pagkapara ng bus. Itatabi na lang.” Pabulyaw na utos ng konduktor sa lalaki.
Walang imik ang lalaki, sumalampak ulit ito sa upuan.
Mabilis na ipinarada ng drayber ang bus sa tabi, malapit sa Baliwag Transit sa may Cubao. Tumayo ang drayber at pinuntahan ang lalaki.
Binitbit ng drayber ang lalaki mula sa kanyang upuan. Mas maliit ang drayber kesa sa lalaki pero nagawa niya itong bitbitin gamit ang dalawang kamay sa balikat ng lalaki. “Huwag kang iinom, kung hindi mo kaya. Hala, bumaba ka. Ginawa mong CR itong bus. Buti kung ikaw maglilinis niyan. ”
“Hindi pa agad matatanggal ang amoy niyan,” sabad ng ale, na nakabaluktot pa rin ang paa sa upuan.
Pahampas sa dibdib na ibinigay ng drayber ang maliit na bag ng lalaki.
Bantulot na tumalikod ang lalaki pero wala siyang magawa, ipagtutulakan na siya ng drayber at konduktor. Sapat na iyon para pasuray-suray na bumaba ang lalaki, dala ang kanyang maliit na bag.
Pagkababa ng lasing na lalaki, sumalampak ang drayber sa harap ng manibela. Bahagyang isinarado ang pinto at pinatakbo muli ang bus. “Nagsisiper pa nung datnan ko eh.” Pabulong na sabi ng drayber habang iiling-iling.
Sa may kalsada, nakakaawa ang itsura ng lasing na lalaki. Nakatingin sa drayber at sa konduktor, parang walang kamalay-malay sa kanyang ginawa o sa mga nangyari sa loob ng bus. Nahihimasmasan na siya siguro. Hinabol na lang niya ng tingin ang papalayong bus.
Sa muling pagtakbo ng bus, tuluyang nawala sa paningin ko ang lasing na lalaki. At matiwasay naman ako nakauwi ng bahay…
O paano? Tara, inom tayo?
(*dHrInKed – ang past tense ng drink (inom) ay drank at ang past participle naman nito ay drunk. At kapag nakainom ang isang tao, siya ay dHrInKed. hik * )