Kaninang umaga, hinihintay kong dumating ang anumang text message patungkol sa aking appointment sa Marikina City. Bagaman batid ko na ang naranasang pagbaha sa lugar dulot ng nagdaang bagyong Ondoy at malamang hindi na matutuloy ang appointment ko, umaasa pa rin ako na maski papano, sana ay matuloy na rin ito sa wakas.
Mataas na ang araw nang pumunta ako sa opisina. Hindi na nga matutuloy ang appointment. Ipinagdasal ko na lamang na ang aking mga ka-appointment ay nasa mabuting kalagayan, at ang buong Marikina ay maging maayos na at mabilis na makabawi mula sa krisis upang sa gayon ang aking appointments doon ay matuloy na rin.
Mabilis kong natapos ang ilang papel sa aking mesa. Konti lang ito kung tutuusin sa nagkapatong-patong nang gawain. Sumaglit ako sa ilang websites ng mga pahayagan at mga telebisyon upang alamin ang mga nagbabagang balita. Kalunos-lunos ang kalagayan ng ating mga kababayan.
Bumisita ako sa bahay-blog ni Fr. Fiel upang tingnan kung may bago at kung sakali ay gumala rito sa kanyang mga nasulat na at hindi ko pa nababasa. Minsan kasi sa kanyang blog ay nakapupulot ako ng aral, tuwa at inspirasyon. Dati, hindi ako madalas na nagagawi sa kanyang blog, liban na lang noong ginawan niya ng video presentation sina bonistation at pinkdiaries. Ang kinatuwaan ko sa dalawa sa kanilang blog marahil ay kinatuwaan din ni Fr. Fiel para siya makagawa ng isang astig na upload sa youtube. Nag-comment pa nga ako dun hehehehe.
Hindi pa ako nakaka-base sa blog ni Fr. Fiel, hindi tulad nina boypulubi at topexpress na parating nakaka-base at nangunguna na sa pa-contest. Nag-comment na si livingstain sa naunang blog ni father. Naisip ko madami na ngang nag-aabang sa base awards. Sinundan ni topexpess ang comment ni livingstain, at matutulog na daw siya dahil galing pa siya sa duty at muntik madapa. Hahaha, the game is on nga sa bahay-blog ni Father.
Bumaba ako ng building at kumain sandali. Pagbalik ko sa office, naidlip muna ako sandali. Dahil wala pa ang aking mga ka-opisina dahil may pinuntahan, masarap ang pag-idlip ko. Nasambit ko, sana maka-place din ako sa Base Awards maski papano. May tsansa ako dahil natulog na din si topexpress.
Marahil ay nagising ako sa aking pag-idlip nang malapit na akong humilik (o kaya ay dahil sa ginising ako ng aking guardian angel!). Medyo inunat ko ang aking leeg at umayos sa aking upuan.
Bago ko muling simulan ang aking trabaho, ni-refresh ko ang site ni Fr. fiel, na naiwan ko. May bagong entry!!! Hindi ako makapaniwala, mauuna ako sa mga nag-aabang. Ti-nype ko ang base at mga ilang kinailangang detalye.
At sa hindi pa ako talaga makapaniwala, ni-refresh ko ulit, at tinanong kung base nga ako kay father! Naniwala na lamang ako nang sumagot ang baby priest. Mapagbigay talaga ang Lumikha!
Ayos!!! First Base ako at may 100 points. Ito ang simula ng aking muling pag-antabay sa susunod na posts…
Sana, maka-place ulit. At sana, di ako mahuli ng boss ko kung sakaling hindi ko pa natatapos ang mga gawain sa mesa ko hehehehehhe (Di bale, tatapusin ko muna ang mga ito bago pa man dumating ang mga araw ng pag-aabang.)