MGA ALA-ALA NG MUTA



Hanggang sa tinanggap ko na lang sa sarili ko na
‘Otep hindi ka pang TV’ haha.


Kanina habang nagmumuta ako napapatanong ako sa sarili ko kung anu-ano na bang mga pangarap ang natupad ko sa edad kong ito. Napaisip ako mula sa mga walang kabuluhang pangarap hanggang sa mga pinaka imposible na pwede naman pala. Sadyang may pagka ambisyoso lang talaga tayo. Ako lang pala.

Siguro sisimulan ko sa..

ANG MAKAPAG-ARAL SA MAYNILA. Nagtapos ako sa mababang paaralan ng Bagong Buhay sa Cavite. Siguro kaya tinawag yun na “mababa” dahil pawang mga first floor lang ang mga gusali lol. Kaya laking tuwa ko noong inuluwas ako sa Maynila at makapag aral sa mataas na paaralang Arellano. Tuwang-tuwa ako noon kasi mararanasan ko na ang makapag-aral sa may apat hanggang limang palapag. Kalaunan sinumpa ko na dahil mahirap pala mag panik-panaog sa ganoong katataas na gusali. hahaha

Ganoon pa man, napakaraming nabuong napangarap sa tinaguriang ‘isa sa mga pinaka malalaking paaralan sa kamaynilaan’. Nakakamiss mga classmates kong taga Tondo, Binondo, Sta. Cruz hanggang Caloocan. musta na kaya sila?

Naaalala ko mga patalbugan namin sa reporting.. pagaraan!.., pakulayan! hanggang napaisip akong bakit di na lang pagiging reporter ang kuhain kong kurso pagdating ng araw. Tutal bida-bida naman ako. Mapapakinabangan ko boses ko at kakapalan!

Kaso yun nga, paano mo matutupad yun kung entrance exams palang di ka na makapasa-pasa. Noong nakapasa ka naman, wala namang masscom o communication art sa paaralang iyon.

Napilitan akong kumuha ng Computer Graphic Arts dahil indemand mga computer courses noon.

Masaya naman. Noong panahon kasi na iyon sigurado na akong makakapag aral. Sa dami ba naman ng entrance exams sa mga public school na inapplyan ko, ewan ko na lang kung di pa ko maging masaya nong makapasa ako.

Pero nananatili pa rin pangarap ko na makapag masscomm lalo na kapag gabi-gabi nakakapanood ako ng mga balita at mga documentaryo.

Taon-taon ata sumusubok akong makalipat at makakuha ng kursong gusto ko. Hanggang makapasok ako sa Open University ng PUP Sta. Mesa. Sa wakas! nakapag masscomm ako! Kaso ayaw talaga ng pagkakataon dahil may weekend subject ako. 🙁 Hindi ko naman maiwanan mga naumpisahan ko.

failed na naman!

Sumunod na taon, naisip kong kumuha uli ng Masscom sa Universidad ng Maynila o dating City College of Manila. Sabi ko noon, pwede ako! tutal pang hapon naman ako sa TUP kaya kong mag pang-umaga sa UDM. Nagpaka bibo ako na tila ako si Superman.

Ang hirap pala. Hindi ko alam kung saan ko isusuksok sarili ko para mairaos mga subjects ko. failed na naman!

Hanggang sa tinanggap ko na lang sa sarili ko na ‘Otep hindi ka pang TV’ haha.

Ganoon pa man, yung mga inspirasyon kong TV reporters at mga documentarista nanatili pa rin sa bunbunan ko. Kaya tuwang-tuwa ako noon, noong naimbitahan ako ni Idol Howie sa GMA7. Ti-nour ako sa mga newsrooms… ang galing! parang buhay na panaginip! yung mga kukuryusidad ko kung paano nabubuo ang mga pagbabalita nakita mismo ng mga mata ko.

Nakakainspired! kaya sabi ko sa sarili ko kahit anong mangyari sa balita pa rin ako magtatrabaho!

Hanggang matanggap ako sa isang dyaryo. Hindi man bilang reporter kundi bilang layout artist. Nakuntento na ko dun.

Habang nagtatrabaho, doon ko unti-unting tinutupad mga pangarap ko. Yung mga documentaryo na napapanood ko sa pag-akyat sa bundok, nasubukan ko! Isa sa mga ultimate dream ko noon ang makaakyat sa tuktok ng Pilipinas -Ang Mt. Apo.

Hindi doon natapos ang mga pangarap., nadadagan! dumami! na tila walang katapusan. Totoo ngang nagiging motivation natin ang mga pangarap para ganahan tayo sa araw-araw para magsipag at mag ipon!

Kaso minsan sa sobrang kasakiman natin sa mga sarili…, sa sobrang pagmamadali para makamtan yung mga pangarap natin! -napapahamak tayo. ayun ngisay! ayaw ko nang ikwento. haha

Sa ngayon, pangarap ko na lang magkaroon ng bagong pangarap. hahaha. Saganang akin kasi, madali na lang mangarap kapag may inspirasyon ka. Habang feeling mo nabubuhay ka para sa wala, may isang tao ding tulad mo na ganoon din ang kinahaharap. Malay mo magtagpo kayo. edi wow.

Sa huli, libre pa rin ang mangarap!

USAPANG PAYDAY



“Sobrang hirap mag budget! Partida, sarili ko lang binubuhay ko. Paano na kaya kung may sarili na kong pamilya ?”


Isa rin ba kayo sa tulad kong day 14 palang ay nagkukwenta na nang paglalagakan ng mga aanihin nating biyaya? -sweldo.

Teka, rephrase ko lang ang tanong; iba nga pala kasi ang paglalagakan sa pupuntahan. Ang paglalagakan ay pwedeng sa pag-iipon (na pwede mong balikan) o sa mga bagay na may interes. At ang ‘pupuntahan’ naman ay malamang pambayad-utang haha! (mga pera mong pinaglalakbay na wala ng balikan) Anu’t ano pa man, may paglalagyan talaga ang mga katas ng ating pinaghihirapan.

Kaya ang tumpak na tanong, ‘may natitira pa ba sa mahigit dalawang linggong mong pinagpaguran?’

Sa totoo lang nakakapanlumo na mag kwenta. Lalo na kapag nakita mo na ang resulta. Halos sa mga utang at bayarin din napupunta! At ang siste, maiisipan mo na lang mangutang uli para mairaos mo ang mga susunod na labing limang araw.

Sobrang hirap mag budget! Partida, sarili ko lang binubuhay ko. Paano na kung may sarili na kong pamilya (buntong hininga). haaays

Nasubukan ko na lahat. Pati nga “70-30-50”, kung saan 70 percent daw para sa mga payable o expenses mo. 30 percent sa luho mo at 50 percent para sa ipon mo. Diyos ko! hindi ko alam kung saan ako kukuha ng calculator ng Diyos para maisakatuparan yan, lalo na sa tulad kong di nga namamasahe pero napakamahal naman ng upa at kuryente dito sa pusod ng lungsod na inaapakan ko.

Pero kailangan nating yakapin ang katotohanan, siguro kailangan lang talaga natin ang kaunting paghihigpit ng sinturon. Lalo na ang pagiging mabait. Oo masayang makatulong pero hindi na masaya kapag tayo naman ang kinukulang.

MONEY LOVER

Kaysa mabaliw ako kakaisip paano ako makakasurvive sa panibangong labing limang araw. Nag-isip ako kung paano ko masusubaybayan ang mga humahaplos at dumudulas sa aking mga palad.

Nagdownload ako ng budget app na ‘MoneyLover‘ kung saan pwede mong ilista digitally mga pagkakautang mo, gastusin at mga bayarin mo. Isama mo na rin pati ipon mo. Pero doon muna ko sa tatlo hirap pa rin talaga ako makaipon.

Ganoon pa man, natuwa ako sa app na ‘to. Yun nga lang para akong binigyan ng kambal na sampal na may kasamang mura! kamuntikan na mag-negative assets ko. Ang lakas maka realtalk kahit di naman nagsasalita pero sukdulan ang mga numero sa pagsasabing ‘Dukha ka! magbago ka na!

Siguro nga kulang ako sa financial literacy kaya ganun. Hindi pa naman huli ang lahat para iahon natin sarili natin ng paunti-unti. Hindi ko naman iniisip na mayroong ‘biglang yaman’. Objective ko na lang muna (siguro) sa ngayon ang hindi kapusin at malayo sa peligrong may kinalaman sa kapetsahan.

Kaya mag-ipon po tayo mga kapangarap!

#Haaaay.

P. S. may GCash po ako. hahaha.