ALAM na naman ng lahat ang naging kaganapan sa buhay ko kung bakit hindi ko na natapos ang pag-aaral ko sa kursong Batchelor of Technical Teaching Education o BTTE sa TUP-Manila. Nagkaroon kasi ako ng karamdamang bumago sa buhay ko sa pagkawala ng aking memorya, dulot ito nang labis na pagpupuyat at mga aktibidad; tulad ng pagkakasabay-sabay ng pag-aaral, pag-tatrabaho at pamumundok. Akala ko kasi pang work-life-balance yun eh. Hindi pala! … Ayun, ngisay!
SALAMAT SA MAGULANG ko na walang sawang sumusuporta sa’kin kahit napaka-tigas ng ulo ko. Mula sa pinansyal at mga luho ko. Kaya bilang kapalit kailangan kong i-align ang buhay ko, dahil hindi pwedeng laging nasa ganitong sitwasyon na lang ako. Kaya sinubukan kong maghanap ng trabaho. Pero parang kalokohan lang ang lahat. Mabibilang sa mga daliri ko sa paa at kamay ang mga kumpanyang pare-pareho ang istilo kung paano sila tumanggap ng mga aplikante. Meron pa ngang pagkakataon na pinakuha pa ko ng medical certificate pero hindi na ko binalikan pagkatapos. Akala nila pinupulot lang ang makakuha pang-medical certificate at pamasahe papunta sa kanila. Anyway, moved on na ko doon.
ITUTULOY KO na lang ang naudlot kong pag-aaral ng BTTE, isang taon na lang yun, makakagraduate na ko at makakakuha ng lisensya sa pagtuturo. Kaso mukhang mahirap para sa akin ang bagong kinakaharap na istilo ng pag-aaral dahil sa pandemya. Pero sinubukan ko pa rin. Napakaraming pag-subok. Ang hirap kalabanin ng utak ganung maraming tumutulong sayo, pero marami ring pilit kang itinatali sa mga kahinaan mo.
Nakakalungkot, pero realidad na talaga na may mga taong hihilain ka pababa. Katulad noong gumawa kami ng group activity. Kinukwesyon nila ang nakuha kong grade at nasabihan pa kong “unfair”. Napatanung tuloy ako kung ako ba ang nagbigay ng grade ko para sa’kin? Bakit ‘di sya magreklamo sa teacher ko? Sabi ko nga, bahala na sayo ang pagkakataon. ‘Di na lang matuwa dahil may taong umuusad na mula sa napaka-hirap na pinag-daanan nito. Paano kaya kung magkapalit kami ng sitwasyon?
NATAPOS ANG ISANG SEMESTER: Hindi ko napunan ang lahat, ibig sabihin walang kasiguraduhang nakapasa ako sa mga asignatura na iyon. Pero may pagkakataon pa naman daw para habulin yun hanggang hindi natatapos ang taon. Nagpatuloy ako sa pag-aaral. Dahil sa pandemya. hindi naming nagawang mag-patala ng personal bagkus, ang namamahala at guro ng eskwelahan ang nag-asikaso. Nagkaroon ng problema sa enrollment ko dahil nasa old curriculum ako. Humingi ako ng tulong sa lahat ng pwedeng hingian ng tulong mula sa mga teacher ko, sa Department, sa IT, sa UITC at iba pa. Pinag-papasapasahan lang ako para lumapit ako kay ganito o kay ganyan hanggang di ko na alam kung kanino pa ako lalapit ganung sinasabi nilang okay na naman ang enrollment ko.
HINDI AKO PINAPASOK SA ONLINE CLASS: Apat pa ang natitira kong klase at isa nga doon ang “HUMANITY” Nakakatawa yung title ng subject, pero hindi ko naramdaman yung sangkautahan o pagpapakatao dun. Hindi ako pinapasok sa online class. Online class na nga lang pinagdamutan pa ko. May point naman yung teacher to be (sana). Baka masayang lang daw panahon ko kung pasok ako ng pasok sa klase n’ya tapos in the end hindi pala ako officially enrolled. Sana naman nabigyan ako ng chance dahil napaka hirap makipag communicate ngayon lalo na’t ordinaryong estudyante lang naman ako. Napagtanto ko na wala ng patutunguhan ‘tong inaabot ko para mabago buhay ko kahit papaano. Siguro nga hindi ito para sa akin.
NAGDESISYON NA KO. Tama yung teacher ko, baka masayang lang lahat ng oras ko. Sayang ang niloload ko sa araw-araw at paggawa ng mga takdang aralin kung sa huli wala naman ako sa listahan. Nakakalungkot lang, ang dami kong ginawang sakripisyo sa eskwelahan na ‘to. Mula sa mga pambubully sakin ng mga kaklase ko, sa mga salitang binibitawan nila sakin tulad ng “bulbulin” at “isip bata”. Hindi ko naman sila masisisi dahil ako mismo nagawa ko ding magbitaw ng mga panget na salita sa kanila dahil tao rin naman ako.
SANA maging aral ako sa kanila. Na minsan sa buhay-pagtuturo nila may isang bata o estudanteng maaaring katulad ng kinakaharap ko na maunawaan nila. Hindi madali ang sitwasyon ko. Kung pwede lang pigilan ang hininga ginawa ko na para matapos na ito. Pero ito lumalaban pa rin ako. Siguro nasa punto na lang ako sa kasabihang “lahat ng mabibigat gumagaan kapag binibitawan”. Ibinababa ko na lahat ng alternatibo para maituwid ang buhay ko pero ang hirap gumalaw sa sitwasyong nasa pintuan ka na, hindi ka pa nagawang papasukin.
Bahala na si batman.