Karapatan namin ang kami’y ipagtanggol. Pero bakit tila mga aso na kaming kumakahol. Nangingitngit sa taong tila umaakyat sa aming mga bakod.
Inabot mo ang iyong kamay, Hindi para mamigay kundi manghingi ng alay. Alay na maglalagay sa’yo sa pakapangyarihan.
Kumatok ka sa aming mga tahanan, Ika’y pinagbuksan di lang ng bintana kundi ng aming mga pintuan Nagpakilala’t inawitan ng mga pangakong paglilingkuran.
Sa iyong pagkakaluklok para ka na rin naming Pinapakain at binihisan. Binigyan ng maayos na pwesto… pagkain at kumportableng pamumuhay.
Naniwalang kami’y maipagtatangol Magiging tanod laban sa mga manloloob, Pero bakit nagkaganoon? Para kaming nag-alaga ng bantay pero sa amin din ang mga kahol?
Hindi ba’t pinagkalooban ka namin ng kapangyarihan? Ang gumawa ng desisyon at maging aming protesyon? Bakit ang aming dapat ay kakampi ngayo’y kaaway na ng lupon?
Karapatan namin ang kami’y ipagtanggol. Pero bakit tila mga aso na kaming kumakahol. Nangingitngit sa taong tila umaakyat sa aming mga bakod.
Nasaan na ang mga sinumpaang tunkulin… sa Diyos.., sa bayan.., sa sinasakupan? Tila mga panliligaw na pawang pang-uuto lang!
Pinaniwala mo kaming hindi ka makakabasag-pinggan Mga ari-arian naming hindi mo naman binantayan, Nagawa mo pang magnakaw at manlamang!
Hunggang ka sa katotohanan! Ngayon kami’y nakukulong sa kahirapan Sa krimen dala ng pagtitiwala lang!
Balatkayo! Tanging mithi lang namin ay kapayapaan at katotohanan Ganti at sukli naman pala mula sa inyo ay kahirapan!
Nag-uumapaw ang kanilang pagmamahalan. Mga hinahabol na hiningang nagdadala sa kanila sa kaulapan. Mga pasakit na nagdudulot sa kanila ng kaginhawaan. At mga pribilehiyong pinataw nila sa isa’t isa. Muling huhugot ng malalim na paghinga. Babagsak. At magwiwikang “Mahal kita”.
Malabo ang ilaw. Tanging ang pagmamahalan lamang nila Alberta at Oscar ang nagiging tanglaw sa apat na sulok na kanilang tinutuluyan noong mga oras na iyon. Malamig ang aircon. Subalit wala itong nagagawa upang ibsan ang maiinit na sandali ng magkaparehang kapwa nag-aapoy. Nakapapaso ang bawat sandali. Sa bawat pagpatak ng naiipong lakas, umaagos ito at patuloy na dadaloy hanggang lamunin ng sedang kanilang kinahihigaan. Huhugot ng malalim na paghinga. Babagsak. At magwiwikang “Mahal kita”.
Normal na sa kanila ang mga pagyayaring ito sa loob ng tatlong taon. Hindi naman madalas, pero kapag may naitatabing sobra mula sa pinagpapaguran nila bunga ng minsanang pag-o-overtime o kaya’y double pay nagagawa talaga nilang pumasok dito. Bakasyon na nga nilang maituturing kung mabubuo nila ang bente-kwatrong oras sa loob ng kahong ito. Tatlo, anim hanggang labing-dalawang oras ang kadalasan nilang inilalagi dito.
Kahera si Alberta at taga-salansan naman ng mga produkto itong si Oscar sa parehong pamilihan. Malamang, doon din sila nagkakilala. Nagsimula sa mga payak na hatid-sundo, pagyayaya kumain sa turu-turo, at mga karaniwang bagay kung paano nagkakapalagayan ng loob ang isang magkaparehang tulad nila.
Katulad ng mga relasyong sinusubok na nang tagal ng panahon, napapag-usapan din naman nila ang mga bagay-bagay sa hinaharap.
“Mahal, hindi ka ba nanghihinayang sa mga binabayad natin dito?”malambing na banggit ni Alberta habang nakayakap ito kay Oscar.
“hmmm… minsan, gusto mo ikaw naman magbayad next time?” pabirong sagot ni Oscar na habang nagsasalita, ay tila naglalakbay din ang isip sa pagtitig sa kisame.
Umangat ang palad ni Alberta sa pagkakayakap nito sabay bahagyang namalo “Sira! hindi naman yun!”
Napangiti na lang ito at nagpaliwanag “Alam mo, mas pinanghihinayangan ko ang mga oras na hindi kita nakakasama kaysa sa binabayad natin dito”
“Naks!” sabay muling bumalik sa pagkakayakap kay Oscar “Bakit di na lang kaya tayo mag renta ng apartment sa tingin mo?” patuloy ni Alberta.
“Pwede din, pero isipin mo may mga pamilya pa rin naman tayong umaasa sa’tin. Kailangan ko pang patapusin si Bunso sa highschool, tapos ikaw kailangan mo pa rin namang tulungan magulang mo di ba? Mahirap pa ring maubliga sa buwanang renta saka…”
Biglang mauudlot ang kanilang usapan dahil sa isang tawag sa telepono. “Sir extend pa po ba kayo?”
Sa ganitong pagkakataon, matatapos ang maiiinit na sandali ng magnobyo. Muling papasok sa trabaho kinabukasan, kakain, uuwi, matutulog at iba pa. Nabubuhay ang tulad nila sa pauulit-ulit na senaryong nangyayari araw-araw, magkakaroon lang ng kakaiba kapag sila’y mag-aaway.
“May problema ba? ‘Di mo man kasi nirereplyan ang mga text ko”pang-uusisa ni Alberta habang papalabas sila sa papasara nang pamilihan noon.
“Mahal wala nga akong load, sana tinawagan mo ko”paliwanag ni Oscar.
“Wala akong pantawag!”
“kita mo!? Ibig sabihin lang nyan hindi makakatext ang walang pangtext, at hindi din makakatawag ang walang pantawag. Kung mayroon mang problema, iyon ay ang wala tayong load”
“Ewan ko sayo!”
At syempre, pagkatapos ng pag-aaway, saan pa ba ang susunod?
Ugali ni Alberta na patayin ang mga ilaw. Kung mayroon mang liwanag, ito ay magmumula lang sa siwang sa pinto ng palikuran. Kung mayroon namang bintana, tanging doon lamang manggagaling ang tanglaw nila sa kanilang paglalakbay. May paniniwala kasi syang hindi dapat ipinapakita sa isang lalake ang kabuuan ng pisikal na pagkatao nya. Iba pa rin daw kasi kung may kaunti ka pa ring tinatagong hiwaga.
Mag-uumapaw na naman ang kanilang pagmamahalan. Mga hinahabol na hiningang nagdadala sa kanila sa kaulapan. Mga pasakit na nagdudulot sa kanila ng kaginhawaan. At mga pribilehiyong pinataw nila sa isa’t isa. Muling huhugot ng malalim na paghinga. Babagsak. At magwiwikang “Mahal kita”.
“Mahal limang taon na tayong ganito, nakatapos na lahat-lahat sa high school ang bunso n’yo, kailan pa ba tayo magsasama?”pagtatanong ni Alberta sa akyong pagyakap kay Oscar.
“Ayan ka naman, magkano ba sahod ko? Magkano ba sahod mo? Kahit pagsamahin pa natin ang kinikita natin kakapusin tayo. Ayaw mo naman sa’min!”Iretableng pagsagot nito.
Tutunog ang telepono. “Sir, extend pa po ba kayo?”
—–oOo——
Natapos na naman ang ika-anim na buwan na pamamasukan ni Oscar sa kanyang ahensya. At dahil isa syang contractual, bibihira lang ang napepermanente sa trabaho. Kaya naman nagkusa na s’yang maghanap ng ibang mapapasukan at mapalad namang nakakuha din agad.
Namasukan s’ya bilang company driver na naging personal driver din ng presidente ng kumpanya kalaunan. Mas di hamak na mas maganda ang pasweldo, madalas pang naaabutan at kumpleto pa sa benepisyo. Sapat na iyon para unti-unting makaipon.
Sa kabila ng bago nilang katayuan, nagkakaroon pa rin naman sila ng pagkakataon upang maisingit ang kanilang pagkikita minsan sa isang linggo. Madalas nagagamit pa nga ni Oscar ang sasakyan na kanyang amo sa pamamasyal.
Mabilis na tumakbo ang panahon, at saktong Ika-anim na taon na nilang magnobyo ngayon. At tulad ng kanilang nakagawian na pumasok sa lugar na may apat na kanto, sa unang pagkakataon hindi nila ito magagawa.
Marahil bunga ng tawag ng trabaho ni Oscar.
Sa anim na taon ng pagiging magnobyo nila, hindi pa nabigo si Oscar! -ngayon lang.
Hilig nitong manupresa kaya hindi n’ya sinasabi kung saan sila pupunta kahit alam na ni Alberta na sa bahay-panuluyaan naman ang bagsak nila.
Ika-nga, halos tubuan na ng ugat si Alberta sa kahihintay kay Oscar sa labas ng pamilihan na kapwa nila dating pinapasukan. Subalit walang dumating bukod sa text na nagmula kay Oscar.
“Mahal, sorry na. Nandito pa rin kasi si boss sa event. Mukhang hindi na ako aabot, next time na lang ha, I LOVE YOU”
Matapos noon, bagama’t patuloy pa rin ang tawagan at pakikipag kumunikasyon nila sa isa’t isa, nalimitahan na ang kanilang pagkikita. Ang halos dalawang beses nila na pagpunta sa paboritong bahay-panuluyan sa loob ng isang buwan, ngayon isang beses na lang, minsan wala pa.
Nakaramdan na si Alberta na tila nagbabago na itong si Oscar.
–oOo–
Isang araw nagpabinyag ng anak ang kapwa kahera ni Alberta na si Shiela. Dumalo s’ya dito. Linggo iyon, hindi nya naisama si Oscar dahil isang araw lang ang pahinga nito, Sabado pa.
Habang kumakain sila sa handaan, nakaramdam si Alberta nang pagsama ng pakiramdam, naging kantsawan tuloy s’ya na mga katrabaho n’ya na baka daw s’ya na ang susunod na magpapabinyag.
“Naku! h’wag kayong ganyan. Ang totoo n’yan magdadalawang buwan na rin akong di dinadatnan” ani Alberta
Napalakas naman ng boses ang kapwa nitong kaherang si Shiela “Wow congrats! Sabi ko na nga ba e parang may kakaiba sayo”
“‘Wag muna sana, o sige pasenya na mauna na ko ha”pagpapaalam at pangambang sambit ni Alberta.
Nagpahabol naman ng bilin si Shiela “Para makasiguro ka, magpacheck-up ka na o try mo munang gumamit ng pregnancy test, mura lang naman yun!”
Matapos makabili, nagulat na lang s’ya ng masulyapan n’ya ang pamilyar na mukha sa salamin ng isa sa mga kainan, malapit sa lugar ng handaan. Gustuhin n’ya man lumapit, tila nagdadalawang isip sya sa pwede n’yang matuklasan. May kausap na babae si Oscar!
Lakas-loob s’yang pumasok subalit napaatras din nang makita n’ya ng personal ang babaeng todo pustura. Nanliit si Alberta. Gusto nya sanang ungkatin kung sino man iyon pero pinangunahan s’ya takot na baka tama nga ang iniisip n’ya. At kung totoo nga ang pangamba niya, s’ya na rin ang makasasagot kung bakit s’ya nagawang ipagpalit ni Oscar sa babaeng iyon.
–oOo–
Gabi na nang may isang sasakyan ang tumigil sa harap ng bahay nila Alberta, sigurado s’ya na si Oscar iyon. Pinagbuksan n’ya ito ng pinto at maaliwas na mukha ni Oscar ang sumalubong sa kanya.
“Mahal tara na! nasa Singapore si Boss ng tatlong araw, kaya 3 days din akong walang pasok. P’wede na natin i-celebrate ang anniversary natin. tara!” Masayang balita ni Oscar.
“‘Tara’ mo mukha mo! Sino yung kasama mo kanina!?”
“Hah?” pagtataka ni Oscar.
“Sige, magsinungaling ka pa!”
Bagamat alam na ni Oscar ang tinutukoy n’ya, pilit pa rin s’yang nagpatay-malisya.
“Kanina…? May problema ba?”
Nagulat na lang si Oscar sa sumunod na pangyayari, isang malakas na pwersa mula sa palad ni Alberta ang dumampi sa pisngi nya, kasabay ng napakalakas na pagkakasara ng pintuan.
Makailang ulit kumatok si Oscar at halos magsisigaw na din sa pagpapaliwanag. Subalit ang Nanay na lang ni Alberta ang humarap sa kanya.
“Oscar, bukas nyo na lang pag-usapan yan hating gabi na rin, magpalipas muna kayo ng nararamdaman nyo.”
Wala nang nagawa si Oscar kundi umalis at nagpasabing babalik na lang siya kinabukasan.
–oOo–
Walang Oscar na bumalik kinabukasan.
Kaya nagkusa ng pumunta si Alberta sa bahay nito dala ang magandang balita habang hawak ang aparatong may dalawang guhit na pula.
Mula sa harap ng bahay nila Oscar isang asul na sasakyan ang nakaparada dito. Huminga s’ya ng malalim at inisip ang mga pangungusap na babanggitin n’ya kapag nagkaharap na sila ni Oscar.
Subalit nag-init na lang bigla ang mga mata nito nang makita n’yang pababa sa sasakyang iyon ang perehong babaeng nakita nyang kasama ni Oscar sa isang kainan.
Pero bago pa man nya nakadaop-palad ang babae, sinalubong na agad sya ni Olivia- ang nakababatang kapatid ni Oscar.
Napayakap na lang ito ng mahigpit sa kanya, na sya namang pinagtakhan at kinabilis ng pagtibok ng puso nito. Lalo na’t nagsimula ng lumuha si Olivia.
“Ate! wala na si kuya iniwan na tayo!”madamdaming pahayag nito.
Hindi malaman ni Alberta ang sasabihin o itatanong kaya nakuha n’ya na lang makinig habang nagkukusa na rin ang mga emosyon mula sa mga mata nya.
“Naaksidente si kuya kagabi! nadala pa daw sa ospital pero hindi na rin daw kinaya”
Kinaguho na iyon ng mundo ni Alberta. Napaupo na lang sya sa sofa nang makapasok na ito sa bahay nila Oscar habang hindi pa rin makapaniwala sa pangyayari habang patuloy pa rin ang pag-agos ng emosyon nito.
Nang magsimula ng magsalita ang babaeng kanina pa palinga-linga sa tapat ng bahay nila Oscar na tila may hinahanap, nabigay nito ang mga hinihingi at kasagutan sa tanong ni Alberta kay Oscar.
“Magandang umaga po, magtatanong lang po sana. Dito po ba nakatira si sir Oscar Pelayo? Ako po si Minda, hindi ko kasi macontact number nya. Nagkita po kami ni Sir kahapon ibibigay ko lang po sana ‘tong papers. Sa real estate po ako regarding po sa House and Lot na ni-loan nya”.
Napakagandang karanasan ang makarating sa Cape Bojeador Lighthouse. Bukod kasi sa ganda ng lugar, matutuklasan mo rin na naging malaking bahagi rin pala ito sa kasaysayan ng Bayan. Naging gabay ng tanglaw kasi ito ng mga mandaragat hindi lang ng mga Pilipino kundi pa rin ng mga dayo.
Kung may ilang bagay man akong naaalala noon tungkol sa paglalakbay na ito, ito ang TV ad ng Department of Tourism (DOT) kung saan si Regine Velasques ang kanilang endorser. Nakakatuwa lang, kasi 2006 pa iyon pero nananatili pa rin sya sa alaala ko. Matapos kong mapanood iyon, sabi ko noon sa sarili na makakapunta din ako dito. At ngayon nga, masayang sabihin na nandito na ‘ko. Saya! 😛
Gagayahin ko nga din sana yung hand gestures ni Regine dito habang kinakanta ang ♪♪ ♫♫♪ “Makisaya, biyahe tayo, kilalanin ng husto ng kakaibang… PILIPINASssss!!” ♪♪ ♫♫♪ kaso hindi yata bagay! hahahaha
ito yun oh!
11:30Pagkatapos namin puntahan ang Kapurpuran Rock Formation sinunod na rin namin ang huling destinasyon ng South Tour namin sa Pagudpud -ang Cape Bojeador Lighthouse. Mabilis na lang ang biyahe sakay ng tricycle dahil kungkreto naman ang kalsada.
Dahil sa taas ng lugar, malayo palang matatanaw mo na agad ang Parola. Kakasabik!
Matatagpuan ang Cape Bojeador Lighthouse sa bayan pa rin ng Burgos sa burol Vigia de Nagparitan. Kilala ito hindi lang dahil sa ito ang pinakamataas na Parola sa buong Filipinas (sa taas na 65 talampakan) kundi ito rin ang pinakamatanda. Ginawa ito noong 1892 at nakatutuwang hanggang ngayon ay gumagana pa rin sya sa tulong ng Philippine Coast Guard.
Idinisenyo ni Engr. Magin Pers y Pers ang parola noong 1887 at muling binalangkas at tinapos ni Engr. Gullermo Brockman noong 1890 sa disensyong pa-oktagonal. (ilang side meron ang octagon?) lels 😛
Sa pag-akyat pa lamang sa mga baitang papasok ng parola mababakas na agad ang kalumaan nito, bahagya na kasi itong lumulubog dahil na rin sa ilang libong pag-ulan na ang naranasan nito. Pero hindi din, maiksi lang siguro ang paghakbang ko hahaha. (Kayo na may mahabang binti! ) 😛
Pinaka-magandang puwesto daw para magpa picture ay sa bandang hagdan, kita kasi halos dito ang kabuan ng Parola kaya picture-picture agad! Medyo natagalan lang kami ng kaunti dahil may iba ding turista na nagpapapicture dito. Syempre iba pa rin kung kayu-kayo lang ang nasa litrato. Hindi nyo naman pwedeng paalis sila dahil kapwa mo lang din naman sila turista, lalo na’t ang Parola ng Burgos ang pinaka sikat na Puntahin ng mga turista sa buong Pilipinas.
Walang entrance fee na kailangan bayaran dito.
Sa itaas ng ibaba ng parola.( ano daw?) haha basta! sa parola ay mayroon ding maliit na Museo pag-akyat mo, kaso nakasara ito noong puntahan namin, hindi ko lang sigurado kung binubuksan pa ito.
Sa Itaas makikita mo ang kalumaan ng lugar pero ang kalumaang iyon ang magdadala sayo sa bagong karanasan. Napakasarap sa mata nang makakita ng mapulang mga bricks, at hindi lang basta bricks, orihinal na mga bricks. Medyo nakakainis lang minsan kasi hanggang dito sinisundan pa rin sila ng mga bandalismo.
Hindi maaring pasukin mismo ang loob ng parola dahil bukod sa restricted area ito upang mapanatili ang kaayusan, ay mayroon din itong high voltage ayon sa mga karatulang nakasulat o nakalagay dito.
Makakalikasan ang parola dahil gumagamit ito ng solar panel.
Pero hindi nyo na naman kailangan mapasok ang pinaka puso ng parola. Sa paligid lang nito mararamdaman nyo na ang kasaysayan nito at masasaksihan ang napakagandang tanawin na pinagkakaloob nito. Mayroon itong verandah na pwede nyong tigilan pandalian at iba pa.
Pwede din nyong akyatin ang parola at mula sa tuktok nito ay pwede na kayo mag bongee jump tulad ng ginawa ko! hahhahaa
Joke lang! Jumpshot lang yan. Astig no? para akong nagmula sa itaas.
Kung gusto nyong ma achieve ang shot na yan, sundan lang ang pilapil doon, mag-ingat lang baka bumulusok kayo pababa. haha.
Maliit lang ang espasyo sa lugar na iyon. Salamat sa official photographer kong si Jid Albin.
Napakagandang karanasan ang makarating sa Cape Bojeador Lighthouse. Bukod kasi sa ganda ng lugar, matutuklasan mo rin na naging malaking bahagi rin pala ito sa kasaysayan ng Bayan. Naging gabay ng tanglaw kasi ito ng mga mandaragat hindi lang ng mga Pilipino kundi pa rin ng mga dayo.
Nakasisiguro akong hindi na lang ito basta o literal gabay-tanglaw sa atin. Isa na itong bagay na nagbibigay sa atin ng tanglaw para sa nakaraan.