MGA BUKAS NA LIHAM PARA KAY ERAP, PURISIMA AT CHANECO



Nagulat na lang ako nang makitang bukas na ang bulsa ng bag ko at nawawala na ang mga importanteng laman nito. Mas kinabahan pa ako nang maalalang naglalaman iyon ng perang kabibigay lang sa akin 😦


DEAR Mayor Erap,

Masaya po ako dahil kayo ang bagong halal  na alkalde ng Maynila. Binoto ko po kayo 🙂 Kahit masama pa rin ang loob ko noong panahong inaway-away niyo ang tito Trillanes  ko habang naninindigan at tumitindig sya sa loob ng senado laban sa katropa ninyong si Enrile. Pero okay na rin tutal no. 9 naman ang tito Trillanes ko sa Senado. Lol (lakas maka Tito).

Ang totoo n’yan, wala lang akong option sa pagka-Mayor sa Maynila dahil dalawa lang naman kayo ni Lim ang naglalaban. Hindi ko po pinili si Lim dahil wala naman akong nakitang pisikal na pagbabago sa Maynila. Umasa pa naman ako na gaganda muli ang maynila  lalo na’t nasa kanya ang pangarap, dunong, lakas, pag-unlad, ang Maynila’y tanging perlas ng bayan ngayo’t bukas. ♫♪ Maynila O! Maynila!.. ♪♫ (hahaha kinanta lol 😛 )

Laking tuwa ko noong mabasa ko sa pahayagang The Daily Tribune nitong miyerkules (May 15) ang artikulong ukol sa inyong victory message na naglalaman ng pangako ninyong gagawing Paris of Asia ang Maynila (taas ng pangarap!). Dala-dala ko po ang pangakong iyon at madalas naikukwento ko din sa iba. Nai-share ko pa nga po sa facebook e. Pero ang kasiyahang iyon ay biglang nawala kasabay ng pagkawala ng wallet ko noong nadukutan ako. (Hindi lang dahil sa lamang pera nito, kundi sa mga importanteng bagay na nakapaloob dito) Pati cellphone ko nakuha!

Isang tipikal na gabi iyon habang hinahabol ang huling biyahe ng tren mula Recto hanggang Santolan. Papunta ako noon sa Cubao at sa Anonas naman. Mabuti na lang dahil kasama noon si Hamster.

Mula sa City hall, sumakay kami ng Jeep at bumaba sa Recto. Ilang hakbang lang ang layo ng Avenida sa LRT line 2 kaya sobrang nakakabigla na sa iksi ng pagitan na iyon ay magaganap ang pangyayaring hindi ko inaasahan. Nakasisiguro akong hindi ko iyon nailaglag. At mas lalong hindi madudukot iyon sa loob ng Jeep dahil magkaharap kami sa upuan malapit sa driver. Isama pa ang pagkakalagay ko ng wallet at cellphone sa loob ng bulsa ng bag ko kung saan nakapatong pa ito sa mga hita ko habang bumabiyahe.

Alam kong isang malaking katangahan iyon, lalo na’t hindi ito ang unang pagkakataong nadukutan ako.

Nagulat na lang ako nang makitang bukas na ang bulsa ng bag ko at nawawala na ang mga importanteng laman nito. Mas kinabahan pa ako nang maalalang naglalaman iyon ng perang kabibigay lang sa akin 😦

Noong una, akala ko po wallet lang ang nawala sa akin. Noong pahingi na ako ng tulong nang mapagtanto kong pati pala cellphone ko ay kasama nang nawawala. Sinubukan ko pang tawagan pero hindi na sya matawagan.

Sana ngayong Mayor na kayo ng Maynila, matugis nawa ang mga magnanakaw na iyan. Ganoon din na sanay mabantayan na ng mga kapulisan ang parteng iyan ng Recto. Hindi man lubusang mawala, sana mabawasan man lang!

Alam kong nabigo na ang dating pulisan at dating Alkalde kaya sana sa panunungkulan niyo ay mapagtagumpayan n’yo na. Mahirap man pong asahan, dahil kung ang dating mayor ay turingang pulis ay hindi ito napagtagumpayan, sana talaga sa panunungkulan niyo maresolba na ang ganitong krimeng panlansangan.

Sana gumanda na ang imahe ng Maynila lalo na’t isa sa plataporma niyo ang turismo. Sana nga maging Paris tayo ng Asya.


DEAR LRTA Administrator Honorito D. Chaneco,

Alam kong pasan nyo ang mundo sa tuwing mag-uumapaw ang mga pasahero sa bawat tren ng LRT. Hindi rin naman namin kayo masisi sa tuwing may magtatangka at magpapatiwakal sa loob puder nyo. Malaki po ang pasasalamat namin dahil nandyan kayo para sa mas mabilis na paglalakbay at murang pamasahe para sa mga katulad ko. Pero kasisi-sisi at katawa-tawa ang natuklasan ko nitong Huwebes (May 16) sa pagitan na oras ng 9:30-9:45pm.

Nadukutan ako malapit sa puder nyo (hindi ko sinasabing sa loob ng istasyon nyo). Since nasa escalator na ako ng Recto Station, north entrance (Odeon) wala po akong ibang pwedeng malapitan at matanungan kundi ang security guard nyo.

Nakakalungkot lang, hindi kasi alam ng security guard niyo kung saan mayroong pulis. Pinapunta na lang ako sa head ng security  ninyo sa itaas. Hinintay pa namin syang magpakita at saka humingi ng saklolo. Nakasuot ng green na polo-barong ang lumapit sa amin (ay mali! kami pala yung pinalapit at pinasalubong sa boss ng mga security guard nyo), itsura palang sigurado akong wala kaming mapapala dito (judgmental lang lol). Syempre ako lahad dito, lahad doon, pero sa tuwing magsasalita s’ya alam na naming iisa lang ang pinupunto nya “hindi nangyari dito ang pandurukot” kaya nagtanong na lang ako ng may kalakasan “Ganito na lang ho, saan may pinakamalapit na police station!?” Itinuro n’ya ang police station doon sa Quiapo. Kaya matapos pong maisulat ang ilang detalye sa booklet ng isa pang security guard, na nailaglag ko pa dahil sa panginginig at inis ay dumerecho na rin kami sa Quiapo.

May kalayuan din ang Recto station papauntang Police Post na iyon, na nasa mismong Simbahan pala matatagpuan. Malayo sa pagkakainti namin na malapit lang sa simbahan kaya nilakad lang namin.

Pagdating doon kinausap kami pero wala naman kaming napala dahil hindi daw nila sakop ang bahaging iyon ng Recto.

Bumalik kami sa LRT Line 2 dahil doon daw malapit matatagpuan ang istasyon ng pulis na sakop at tutugon sa pangangailangan namin.

Pagbalik namin wala kaming ideya kung saan ba malapit iyon, kaya muli kaming nagtanong. Sarado na ang mga entrance ng tren pero nandoon pa ang mga security guard ng LRT na katapat ng Isetann Mall.

Nakakalungkot lang dahil hindi alam ng security guard kung saan ang malapit na Pulis na hinahanap namin, kaya tinanong nya din ang partner nyang lady guard pero hindi nya din alam.

Nakakatawa mang isipin na ang mga security guards na nangangalaga at nagbabantay ng seguridad na syang pangunahing tungkulin nila, ay hindi alam kung saan matatagpuan ang mga pulis na magiging katuwang sana nila sakaling may di kanais-nais na maganap tulad nito. Epic talaga!

Kaya naman iminumungkahi ko po na sana ituro at ipaaalam sa mga security guards na iyan ng LRT kung saan may malapit na Police Station para na rin sa mas mabilis  na pagrereport ng mga ganitong uri ng krimen tulad ng pandurukot.


DEAR PNP Chief Alan Purisima,

Sobrang nakaka-disappoint talaga ang mga pulis niyo partikular sa istasyon nyo dito sa Quiapo Church. Dito po kami tinuro ng Security ng LRT Line 2 kaya dito po kami nagpunta para ireport ang naganap sa aking pandurukot. Nagbabakasakaling baka pwedeng balikan ang lugar o di kaya’t maimbestigan ang pangyayari iyon. Para sakaling masukol ang mga gumagawa noon, hindi man maibalik sa akin atleast maparusahan, para na rin sa mga posibleng maaaring maging mabiktima pa nila sa hinaharap.

Pagpunta namin doon, walang pulis!. Mabuti na lang at may lumapit sa amin na nagpapasok para ilahad ang mga nangyari. Pero mas inusisa niya kung saan naganap ang pandurukot. Noong nasabi ko ngang sa parte ng Odeon iyon, humarap s’ya sa mapa ng nasasakupan ng istasyon nila at doon nagpaka-ala weather reporter sya habang nagturu-turo. In short po, hindi daw po nila sakop ang lugar ng pangyayari kaya sinabihan na lang kami na dapat daw ay sa Alvarez kami lumapit.

Wala po kaming nagawa kahit halata naman sa amin na pagod na kami sa mga nangyayari. Iniisip ko na lang na baka pwede na lang iradyo yun sa istasyon kung sino man ang nakakasakop sa lugar ng pangyayari o kahit ihatid man lang sana kami para makapag pablotter, pero hindi.

Hindi naman literal na naiyak ako sa inis pero nakakaiyak po talaga ang mga pangyayari.

Ang hirap palang madukutan sa Recto no? Dalawang  police stations kasi ang nakakasakop doon, kung galing ka sa Avenida, at sa right side may nangyari sa inyo -Quiapo police daw, kung sa left side naman daw -Alvarez station. Kung sa center island po kaya may nangyaring krimen anong sakop kaya ng kapulisan ang tutulong doon? Kaya siguro hindi maiwasang magturuan ang dalawang stations.

Walang choice Kundi puntahan ang tinuturong tamang station para sa reklamo ko. Pagkarating sa Police Community post sa Ibaba ng LRT D. Jose Station, akala ko iyon na iyon. Pero hindi pa pala. Dapat daw sa Alvarez ako magpunta. Matatapuan iyon sa Bambang station ng LRT. Wala na akong magawa Kundi sumakay ng Jeep para pumunta doon.

Pagkarating doon, agad kong nilahad mga pangyayari. Pero naramdaman kong wala naman akong mapapala sa paglalahad na ito. Pina-iwan lang sakin ang contact info ko nang maalala kong isa nga yun sa nawawala sa gamit ko. Anong gagawin? Saklap.

Iminungkahi sa’kin ni G. Abuda ang pulis na kumuha at nagsulat ng pahayag ko, na kumuha na rin daw ako ng Police report. Magagamit ko daw yun sa pagpaparenew ng mga nawala kong cards at katibayan na nagpablotter ako. Kaso hindi daw doon makukuha ang police report kundi sa centro pa daw ng police station nila sa City Jail. Ayoko na sana dahil nahihiya na rin ako sa kasama ko pero napilit pa rin ako dahil sandali lang naman daw iyon.

Hinatid naman kami ng isang pulis sa sakayan ng Tricycle papunta doon. Sa totoo lang nawalan na ako ng tiwala sa mga kapulisan dahil sa mga pangyayari pero dahil naawa sya sa akin, sya ang nagbayad ng pamasahe. Kahit papaano hindi ko naman naigeneralized ang kapulisan dahil may mga pulis pa ring marunong maging concern sa mga pinapangalagaan nilang mamamayan kahit papaano.

Pagdating sa City Jail, Panibagong pagpapablotter na namin, parehong-pareho ang tinanong sakin. Matagal din kaming naghintay pero sa huli wala palang gagawa ng pulis report ko dahil wala daw imbestigador. Sobrang nakakainis talaga. Apat na Pulis Station at Pulis ang Post ang napuntahan namin para lang sa pagpapablotter. Alam ko pong mahirap madukutan pero hindi ko naisip na ganito din pala kahirap lumapit at humingi ng tulong sa kapulisan.

Sana po hindi na marasanan ng iba pa ang ganitong sitwasyon at higit sa lahat magkaroon agad ng aksyon ang mga ganitong pangyayari kahit hindi na namin masubaybayan.

Salamat po!

Umaasa,

Otep

P.S. Hindi ko po Tito si Trillanes kaapelyido lang ng Mama ko 🙂