BAHAGHARING ITIM



Minsan nagiging matapang tayo at ito ang nagiging kayabangan mo. Pero ang totoo, takot tayo sa katotohanang marami pa rin tayong kahinaan sa mundo.


Malungkot na masaya, masaya na malungkot -ganito na yata ang buhay ko. May mga bagay na hindi mo maipaliwanag kung magiging masaya ka ba sa ikinalulungkot mo – ang gulo ‘no?

Katulad ng mga pagkawala at mga bagong pagdating. Tila nga isang makulay na bahaghari; sari-sari, iba-iba at kung anu-ano pa. Katulad ng mga emosyon kung iiyak ka ba o tatawa.

Para kang naghahanap ng kasiyahan pero hindi mo matagpuan. Tila nais mo nang paniwalaan na mayroon ngang kasiyahan sa dulo ng iyong mga pakay. Pero dahil wala ngang kasiguraduhan kung ano mang mayroon sa dulo, mas naiisip mo ang mga pwedeng mong pagdaanan habang tinutuklas ito.

Nakakatakot. Wala namang ibang magagawa kundi pagmasdan.

Naisip ko lang, na ang pag-abot pala sa isang pangarap ay para ding pagsuot sa butas ng karayon. Hindi ka kaagad makakapasok at maari ka pang mahulog. At sakaling mahulog, tiyak na mahihirapan ka pa sa paghahanap at pagdampot.

Sadyang ang hirap tumahi ng isang pangarap!

Minsan nagiging matapang tayo at ito ang nagiging kayabangan mo. Pero ang totoo, takot tayo sa katotohanang marami pa rin tayong kahinaan sa mundo.

Ganoon pa man, may mga bagay pa rin na pwede nating gawing simbolo. Isang patunay na kaya nating makipagsabayan sa bawat hampas ng hangin na nagdadala sa atin sa iba’t ibang uri ng kalungkutan ng tao.

Kasiyahan dapat ang hatid ng iba’t ibang kulay na nakikita mo, pero sa nag-iisang tugmaang kulay mo lang ito nararamdaman sa puso mo.