Nasa talbos pa ako ng kamote noong panahon ng Martial Law at EDSA revolution. Ilang milyong pilipino kaya ang nangarap ng pagbabago para sa pamahalaan natin noong mga panahon na iyon? Sa kabilang banda, ilang milyon din kaya ang natuwa noong natupad ito?
Kung anong bagal ng trapiko mayroon sa kahabaan ng EDSA, siya namang bilis ng takbo ng panahon. Tama! saktong ika-dalawampu’t limang taon na ng pagdiriwang ng aniversaryo ng kauna-unahan at natatanging People Power sa mundo.
Ilang milyong sasakyan at katao na kaya ang nagpapabalik-balik sa EDSA ang napamura at nangarap na sana balang araw ay mawala na ang salot na trapiko dito? Nakakatuwang isipin na kahit sa trapiko ay may mga pangarap tayo. Sana nga matupad na ang pangarap natin na mawala ito.
Nasa talbos pa ako ng kamote noong panahon ng Martial Law at EDSA revolution. Ilang milyong pilipino kaya ang nangarap ng pagbabago para sa pamahalaan natin noong mga panahon na iyon? Sa kabilang banda, ilang milyon din kaya ang natuwa noong natupad ito?
“Pilipino Ako, Ako Ang Lakas ng Pagbabago”
Noong bata pa ako, hindi ko lubos maisip kung bakit kailangan pang pag-aralan at gunitain ang EDSA revolution. Iniisip ko nga dati na ang araw ng kalayaan at EDSA ay iisa lang. Sa pagtatapos ko bawat baitang sa elementarya, natutuhan ko na ang EDSA ay tinugurian din palang makabago o modermong kalayaan dahil nanalo mismo ang sambayan sa dahil sa pagkakaisa nito o “People Power.”
Naisip ko kaya ito tinawag ito ‘paglaya sa makabagong panahon’, dahil nanalo tayong lahat laban sa kapwa-pilipino na tanging sandata lang ay pagkakaisa. Kumpara sa pandaigdigang pananakop, ni-hindi tayo gumamit ng matinding dahas katulad ng armas bagkus prinsipyo, dasal at pakikiisa lang. Doon nga’y naisakatuparan at natamo ng bayan ang inaasan-asam na pangarap na kalayaan na s’ya namang hinangaan at tinuran sa buong mundo.
Ngayon nga’y tila tinuturan na tayo ng ibang bansa partikular ng Ehipto at Tunisia sa mga nangyayari sa kanilang bansa. At marahil sundan na rin ito ng Libya sa pagtuligsa sa mga namumuno sa kanila. Sadyang mararamdaman mo ang pagkakaisa ng mamamayaman na higit na kailangan sa mga pagkakataon na ito. Nakakalungkot lang dahil hindi maiiwasang may masaktan dahil sa mga pagtuligsang ito.
Ngayon natamo na natin ang pagbabago, may mga bagay pa ring hindi pa pala lubusang napupuksa. Ito ang nagiging ugat para mabuo ang isang rebolusyon -kurapsyon.
Hangga’t may nananatiling ugat sa hindi mapuksa-puksang kurapsyon sa bansa, mananatili pa rin ang pangarap ng EDSA para sa pagbabago.
Sa tema ng pagdiriwang ng anibersaryo ng EDSA ngayon taon, akmang-akma ito sa mga naiwan na aral ng EDSA I. Totoo ngang sa atin naman talaga magsisimula ang pagbabago. Mapapanati tayong malaya kung magiging tapat tayong Pilipino sa kapwa at magiging disiplinado. Sa huli, nasa sa sarili at kapwa-pilipino talaga ang pagbabago.
Gaya sa EDSA, dadating din ang araw ay mawawala din ang trapiko dito. Naniniwala akong lubusan din tayong magiging disiplinado na maglalayo din sa atin sa peligro.
Gaya ng mala usad-pagong na trapiko sa EDSA, naniniwala akong makakarating din tayo sa tunay na pagbabago. Hindi ganoon kabilis pero sigurado. Tulad pa rin sa isang pagong, hindi man ganoon kabilis pero masipag at matalino.
Kung ang diktador na nananakot ng dahas at armas ay hindi tayo na kontrol, paano pa ang trapiko na tayo din naman ang kumukontrol? Ang aral na pinamana sa atin ng EDSA ay ang malinaw na katotohanan sa salitang tulad ng ‘pagbabago.’
