Ang konsepto ng pagsusugal ay hindi lang para manalo ka, kundi para mag-enjoy o malibang ka. Kung ang pag susugal ay nasa konsepto lang para makabawi sa mga nauna mo nang talo, ito ay isang malaking kabiguan! Mahirap sa pakiramdam na talo ka na, punong-puno pa ng iba’t ibang negatibong pakiramdam ang kalooban mo. Maaari itong mauwi sa depresiyong ikalulubog mo.
Ilang taon na akong walang trabaho. Ang hirap mabuhay sa sitwasyong humihinga ka nga, pero para ka pa ring lumpo. Kung tutuusin, may mas pakinabang pa nga sa akin ang mga taong may pisikal na kapansanan kumpara sa tulad kong malalalim ang kahinaan -sikolohiya.
Ilang beses ko na ba nakwento ang disability ko dito? Ang hirap pala talaga kapag mahina na ang memory mo. Pero pasalamat pa rin ako dahil kahit papaano, may nililingon pa rin ako. Sanayan lang talaga para hindi makalimot. Salamat sa biyayang hatid ng pagtatala.
Alam niyo ba na magtatatlong taon na akong nag-o-online diary? iba ito sa blogging. Alam nyo ba kung saan? -sa Facebook. Yeah! hightech na ngayon, hindi mo na kailangan ng ballpen at notebook dahil libre naman ang facebook kahit wala kang data. Ang gagawin mo lang ay i-private ito o i-“only me”. Instant! -may diary ka na! Safe na safe pa rin para sa mga kwento mong dapat ikaw lang ang nakakaalam. Nagpapaalala pa ito sayo sa mga nangayari sayo nitong buong araw. Ang nakakatuwa pa dito, meron syang yearly throwback na magpapaalala sayo sa mga naitala mo noon. Pero hindi na sya nakakatuwa kung puro kalungkutan din ang mababasa mo. Haha. Biro lang. pero dahil sa mga throwback posts mo na iyon, mapapa-analisa ka sa mga nangyari. Nakakalungkot lang sa pagkakataong parang wala pa ring pagbabago. Pero mapapaisip ka pa rin at masasabi mo sa sarili mo, na dapat hindi na maulit ang mga ganitong uri ng mga pangyayari sa buhay mo.

Legit pala talaga ang payo sa akin ng neurologist ko noon. Nakakatulong talaga ang pagtatala bilang memory enhancer. Tinutulungan ka kasi nito na mag analisa o magbalik tanaw sa mga nangyari sayo nitong buong maghapon.
Kung iniisip nyong sa simpleng problema lang natatapos ang pagiging makakalimutin, syempre hindi! Titirahin ka kasi nito ang mas malalim mo pang pag-iisip at kalooban na mag-uuwi sayo sa sandamukal na kalungkutan. Pakiramdam na tila wala ka na talagang pakinabang o pag-asa sa mundo. Kaya lahat ng uri ng mga bagay na magpapatakas sayo ay gagawin mo.
Sino pa ba ang pwedeng lapitan? Pamilya? Given na yun. Kaya mapapalad ang mga taong may malalalim na koneksyon sa pamilya. Kaibigan? Problema! lalo na kung pikon na sila sa paulit-ulit na pangyayari at hinaing mo sa buhay. Lalo na kung pinagkakautangan mo sila. (Yari!) Iilan na lang talaga ang matitira sa buhay mo at masasabi mong kaibigan talaga. Mapapatanong ka na lang talaga kung true friends ba sila o sadyang seasonal friends lang sila? Lalo na sa pagkakataong hindi ka man lang nabati noong nagbirthday ka! (hugot).
Pero sa lahat nang pwedeng takbuhan, sa isang bagay talaga ako nakakatakas na nagdadala sa akin sa pag-asang may mababago pa. Napapatanong tuloy ako at napapasabing.. may mabubuting hatid pa rin ang mga masasamang gawain.
Sa mga oras na tila pinagsasakluban ako ng kalungkutan at iba pang mga negatibong pakiramdam. Sa isang bagay lang ako tumatakbo -ang pagsusugal. Masama ang pag-susugal pero kung iisipin may kapakinabangan din pala ito sa tulad ko.
Hindi lahat ng pagsusugal ay nauuwi sa pagkapanalo. Kaya nga tinatawag itong sugal. Ibig sabihin, kalahati o mas mababa pa sa kalahating porsyeto ang posibilidad na manalo ka. Hindi ka naman mananalo kung hindi ka susugal di ba?
Ganoon pa man, narito ang positibong hatid ng sugal:
LIBANG – Isa sa kunsepto bakit nabuo ang pagsusugal ay para malibang ang isang tao. Ang paglilibang ang isa sa mga dahilan bakit ako napupunta dito. Mas gugustuhin mo ang problema sa sugal kumpara sa mas malalalim mo pang problema. Natutulungan nito ang pag-iisip mo sa pag-aanalisa bukod sa pagtakas nito sa malalalim mong pag-iisip. Lahat ng sobra masama! Kaya naniniwala akong sumasama lang ang pagsusugal kung ito ay sosobra na hindi na sa-susuwak sa mga bagay na kaya mo lang bitawan o ipatalo.
MAGTAKDA NG HANGGANAN – Kinakailangan mo ng budget o halagang kaya mo lang ipatalo. Sa ibang sabi, kailangan mo ng self control. Alam mo dapat kung kailan ka titigil o hanggang kailan ka magpapatuloy.
MAGTABI KUNG NANANALO NA – Ang pagsusugal ay hindi lang natatapos sa pag-iisip kung magkano lang ang dapat mong ipatalo. Dapat nasa pag-iisip din na sakaling manalo ka, kailan ka titigil? Importanteng nakakapagtabi ka o nakakapag widraw ka sa mga napapanalunan mo.
HUWAG HABULIN ANG TALO – Katulad sa pagtatakda ng hangganan, importanteng hindi natin hinahabol ang mga talo natin. Maaari kasi itong mas mauwi pa sa mas marami pang sugat o mas marami pang problema. Tandaan na hindi sa lahat ng araw ay swerte tayo.
PAGPILI NG LARO AT PAGBUO NG STRATEHIYA – Hindi lang tayo dapat umaasa sa swerte. Dapat alam at maalam tayo sa pinapasok nating laro. Makakabuti kung makakapag isip tayo ng mga stratehiya katulad sa pagkakataong matalo man tayo sa unang laro alam nating makakabawi tayo sa pangalawa at sa mga susunod nating mga laro.
At ang pinaka importanteng dapat tandaan sa pagsusugal ay..
Ang konsepto ng pagsusugal ay hindi lang para manalo ka, kundi para mag-enjoy o malibang ka. Kung ang pag susugal ay nasa konsepto lang para makabawi sa mga nauna mo nang talo, ito ay isang malaking kabiguan! Mahirap sa pakiramdam na talo ka na, punong-puno pa ng iba’t ibang negatibong pakiramdam ang kalooban mo. Maaari itong mauwi sa depresiyong ikalulubog mo.
Kaya laging tandaan ang na pagsusugal ay isang libangan at hindi isang hibangan.